ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Enero 27, 2024
Dear Chief Acosta,
Madalas kaming nagtatalo ng aking asawa sa usaping pinansyal. Pareho naman kaming nagtatrabaho ngunit katwiran niya, ako ang haligi ng tahanan kaya ako ang obligado na magsustento sa aming pamilya. Ano nga ba ang sinasabi sa ating batas ukol sa sustento ng pamilya? -- Albert
Dear Albert,
Para sa iyong kaalaman, mayroong batas na nakasasaklaw sa iyong katanungan. Ayon sa Article 70 ng Family Code of the Philippines:
“Art. 70. The spouses are jointly responsible for the support of the family. The expenses for such support and other conjugal obligations shall be paid from the community property and, in the absence thereof, from the income or fruits of their separate properties. In case of insufficiency or absence of said income or fruits, such obligations shall be satisfied from the separate properties.”
Sang-ayon sa nabanggit na probisyon ng batas, ang mag-asawa ay parehong responsable para sa sustento ng kanilang pamilya. Ang mga gastusin para sa naturang sustento at iba pang mga obligasyon ng mag-asawa ay dapat bayaran mula sa kanilang community property, at kung wala naman ay maaari itong kunin mula sa kita ng kanilang mga hiwalay na ari-arian. Sa kaso ng kakulangan o kawalan ng nasabing kita, ang mga naturang obligasyon ay dapat matugunan mula sa hiwalay na mga ari-arian ng mag-asawa.
Malinaw sa iyong sitwasyon na obligasyon pareho ninyong mag-asawa ang pagsustento sa inyong pamilya. Hindi ito nakadepende lamang sa iisang asawa, lalo na kung pareho naman kayong kumikita.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Comments