top of page
Search
BULGAR

Pagsuspinde kay LTFRB Sec. Guadiz, panalo ng transport group

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | October 12, 2023


Bago pa man pumutok ang balita hinggil sa panibagong pagkilos ng grupong Samahang Manibela Mananakay at Nagkaisang Terminal ng Transportasyon (SMMITT) o mas kilala sa tawag na MANIBELA ay una natin itong isinulat noong nakaraang Sabado.


Kasunod nito ay humarap na nga sa media ang MANIBELA at buong tapang na isinawalat ang umano’y talamak na korupsiyon sa loob ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para makakuha ng permit, prangkisa at iba pa.


Iniharap mismo ni MANIBELA chairperson Mar Valbuena sa isinagawang press conference noong nakaraang Lunes ang whistleblower na si Jeffrey Tumbado na dating executive assistant ni LTFRB Secretary Chairman Teofilo Guadiz III na siyang nagpasabog ng talamak na anomalya.


Ibinulgar ni Tumbado kung gaano kahirap kumuha ng special permit, route permit, franchise at iba pa, ngunit bumibilis naman kung maglalagay ang mismong aplikante at umaabot umano sa P5 milyon ang lagayan dahil hindi lang umano ang mga taga-LTFRB ang nakikinabang.


Mariing sinabi ni Tumbado na hindi lang si Chairman Guadiz ang nakikinabang dahil may iba pang matataas na opisyal mula sa Department of Transportation (DOTr) at Malacañang nag-utos na kolektahin ang pera galing sa ilegal na transaksyon.


Dahil kapani-paniwala ang pagbubunyag ni Tumbado ay agad na sinuspinde ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. (P-BBM) si LTFRB Chairman Guadiz, matapos matumbok ang pagkakasangkot nito sa umano’y korupsiyon sa ahensya.


Nakatutuwa ang naging hakbang na ito ni P-BBM dahil ipinakita niyang hindi niya kinukonsinti ang mga katiwalian sa kanyang administrasyon na pinatotohanan mismo ng kanyang Presidential Communications Office (PCO) ilang oras lang matapos ang press conference.


Sabagay hindi naman talaga lihim ang napakatagal ng anomalya sa LTFRB dahil sa wala namang gustong lumantad para magsalita ngunit ngayon ay parang bombang sumabog ang mga opisyal ng LTFRB na nagsasagawa ng ‘ruta for sale’ scheme.


Tahasang ipinagtapat ni Tumbado na sa ilalim ng ‘ruta for sale’ ay kailangang magbayad ang mga operator sa transport officials ng hanggang P5 milyon para makakuha ng mga ruta, prangkisa, at mga espesyal na permit, bukod sa iba pang transaksyon.


Kahit hindi umano puwede, lalo na ‘yung mga nasa probinsiya na gustong magkaroon ng prangkisa — basta may pang ‘lagay’ ay walang problema ngunit ang mga walang panggastos kahit puwede at kumpleto ang papeles ay hindi mabibigyan.


Buong tapang ding sinabi ni Tumbado na handa niyang patunayan ang lahat dahil napakarami niyang hawak na ebidensya na marahil ay isa rin sa pumukaw sa atensyon ni P-BBM para suspendihin si Guadiz.


Ayon pa kay Tumbado ay may hawak siyang mga ebidensya kabilang ang mga screenshot ng mga text message at audio recording ng mga pag-uusap na may kaugnayan sa umano’y tiwaling gawain.


Inamin ni Tumbado na dati siyang tumatayo ‘middleman’ sa mga ilegal na transaksyon at maging ang mga regional officials ng LTFRB ay may quota umanong P2 milyon na ibibigay sa central office.


Si Tumbado ay nagsilbi bilang executive assistant noong Pebrero ngunit sinabi niyang nagbitiw siya noong Setyembre matapos ma-demote at ilipat sa isang opisina para sa Public Utility Vehicle Modernization Program.


Hindi naman natinag si Chairman Guadiz dahil nagkasa rin ito ng sariling press conference upang pabulaanan ang mga isinawalat ni Tumbado ngunit hindi na nito napigil ang ipinataw na suspensyon ni P-BBM.


Nagpalabas din ng pahayag si DOTr Secretary Jaime Bautista na magsasagawa umano sila ng imbestigasyon hinggil sa ibinunyag ni Tumbado upang mabigyang linaw ang lahat.


Pumalag ang MANIBELA sa pahayag si Sec. Bautista na magsasagawa ng imbestigasyon dahil maging ang DOTr ay kasama umano sa kanilang inirereklamo na sangkot sa katiwalian na nagpapahirap sa transport group.


Dahil d’yan ay magkakasa tuloy ang MANIBELA ng transport strike simula Oktubre 16 na bukod sa katiwalian ay hiling nilang sibakin ang mga tiwaling opisyal at kasama mismo si DOTr Sec. Bautista.


Nauunawaan natin ang kagustuhan ng MANIBELA na buong pagbabago sa sistema ang kailangan ngunit sana ay maisip nilang malaking panalo na sa kanilang laban ang pagsuspinde kay Sec. Guadiz — patunay na kinakalinga sila ng pamahalaan.


Sana ay magwakas na ang usaping ito at humantong sa mapayapa at positibong resulta.


 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page