top of page
Search
BULGAR

Pagsulong sa interes ng mga Pilipino, kailangan ng tunay na tapang at malasakit

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | May 12, 2021



Patuloy na sinusubok ng COVID-19 ang likas na katatagan ng mga Pilipino at ng buong mundo. Kaya naman, nananatiling inspirasyon sa amin ang ipinapakitang kabayanihan ng ating mga kababayan sa harap ng anumang pagsubok.


Ang mga kapwa nating Pilipino ang nagbibigay sa amin ni Pangulong Rodrigo Duterte ng lakas ng loob na mas lalong magserbisyo pa sa abot ng aming makakaya. Sa mga mamamayan din nagmumula ang tapang at malasakit na ipinamamalas namin para maipaglaban ang kapakanan ng buong bansa, lalo na sa gitna ng pandemya.


Isa sa ating ipinaglaban noon ay ang pagtatayo at pagsasabatas ng Malasakit Centers. Hindi natin inasahan noon na may ganitong krisis pangkalusugan na darating sa buhay natin. Gayunman, nagpapasalamat tayo sa Diyos na ipinagkaloob sa atin ang programang ito para may matatakbuhan ang mga Pilipino upang makakuha ng tulong pampagamot sa mga panahong buhay at kalusugan na ang nakataya.


Kahapon lamang, binuksan na sa Cotabato Sanitarium sa Sultan Kudarat, Maguindanao ang ika-109 na Malasakit Center sa ating bansa. At bilang Chair ng Senate Committee on Health, sisiguraduhin natin na patuloy ang pagbubukas ng Malasakit Centers sa iba’t ibang parte ng bansa upang mailapit sa tao ang ginhawa ng serbisyong dapat nilang makuha.


Walang pinipili ang tulong mula sa Malasakit Center. Basta Pilipino ka, kuwalipikado ka. Hindi n'yo na kailangang pumila o umikot pa sa iba’t ibang opisina para humingi ng tulong pampagamot. Pera ninyo ito na ibinabalik sa inyo sa pamamagitan ng mabilis, maayos at maaasahang serbisyong pang-medikal.


Sa usapin naman ng West Philippine Sea, gusto nating linawin sa mga kritiko na si Pangulong Duterte ay palaging isusulong ang interes ng mga Pilipino. Wala siyang ibibigay, hindi siya bibitaw, at ipaglalaban niya kung ano ang atin hanggang sa huli sa tama at diplomatikong paraan. Kaya nga inutusan niya ang ating mga barko na manatili sa West Philippine Sea at ipaglaban ang ating karapatang manatili roon para mapakinabangan ang tunay na atin.


Habang patuloy nating nilalabanan ang COVID-19, patuloy din ang mga hakbang ng gobyerno upang maproteksiyunan ang mga Pilipino hindi lamang mula sa sakit, kundi pati rin sa gutom at kahirapan. Upang maibalik ang sigla ng ating kabuhayan, kailangan natin ng kooperasyon mula sa lahat. Ang pagsunod sa mga patakaran ay makapagliligtas ng buhay ng ating kapwa.


Ito rin ang dahilan sa likod ng utos ni Pangulong Duterte sa PNP na hulihin ang sinumang lalabag sa mask-wearing protocol sa bansa. Sang-ayon tayong kailangang mas higpitan ang pagpapatupad ng mga patakaran para maiwasan ang lalong pagkalat ng sakit. Subalit, maliban sa tapang upang madisiplina ang mga ayaw sumunod, kailangan din natin ng malasakit para sa mga kababayan nating hindi makabili ng sariling mask dahil sa kahirapan ng buhay at kakulangan ng tamang impormasyon.


Kaya naman, napagkasunduan ng gobyerno na bukod sa paghuli sa mga violators, bigyan na agad sila dapat ng masks dahil baka naman doon pa sila magkahawaan sa presinto. Turuan din dapat sila kung bakit importanteng sundin ang mga patakarang ito para sa kaligtasan ng buong komunidad.


Bukod sa tapang upang ipagtanggol ang ating bansa, handa palagi ang gobyernong ito na magmalasakit at gawin ang dapat para sa kapakanan ng mga Pilipino. Magtulungan, magmalasakit at magbayanihan tayo. Ang ating pakikiisa ang susi upang malampasan ang mga krisis na ito.

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page