top of page
Search
BULGAR

Pagsulong sa dekalidad na edukasyon para sa mas magandang kinabukasan ng ating mga anak

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | Marso 20, 2024

Ang edukasyon ay isa sa pangunahing karapatan ng ating mga kababayan at isa rin sa mahalagang tagapagsulong ng pag-unlad ng ating ekonomiya. Ang pagkakaroon ng access sa maayos na edukasyon ay magkakaloob sa mga mamamayan ng mas magagandang oportunidad para umangat ang kanilang kalagayan sa buhay. 


Kaya naman nagpapasalamat tayo kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., dahil ganap nang batas ang Republic Act No. 11984, o ang “No Permit, No Exam Prohibition Act” matapos niyang lagdaan noong March 11, 2024. Isa tayo sa may-akda at nag-co-sponsor nito sa Senado, habang ang principal sponsor nito ay si Sen. Chiz Escudero at principal author naman si Sen. Bong Revilla. 


Sakop ng naturang batas ang lahat ng public and private educational institutions, mula sa basic (K-12) level hanggang sa higher education institutions, kabilang ang technical-vocational institutions na nag-o-offer ng mga kursong lampas ng isang taon. 


Ang RA 11984 ay magkakaloob ng mga mekanismo at alituntunin para matiyak na hindi magiging hadlang ang kahirapan sa mga “disadvantaged students” na makapag-exam o makatapos ng iba pa niyang educational requirements. 


Ang DSWD ang tutukoy kung sino ang maituturing na disadvantaged students na mabibigyan ng konting palugit kung kakailanganin para hindi maantala ang pag-aaral habang sinisikap nilang mabayaran ang kanilang matrikula at iba pang bayarin. 


Sa atin dito, ayaw natin hayaang maantala ang kanilang hangaring makapagtapos ng pag-aaral dahil sa pasanin na dulot ng kahirapan. Mahirap na nga, huwag na sanang pahirapan pa. Tulungan natin silang makapagtapos para maiahon ang kanilang pamilya mula sa hirap. 


Ang tanging paalala lang natin ay dapat maimplementa nang maayos ang batas para hindi rin naman makompromiso ang mga eskwelahan. Konting palugit lamang ito para makapag-exam pa rin ang mga kwalipikadong mahihirap na estudyante habang hindi pa makabayad ng matrikula on time, ngunit kakailanganin pa ring masunod ang mga requirements ng mga eskwelahan para makapagtapos ng pag-aaral. 


Bilang inyong Mr. Malasakit, lagi nating prayoridad na mabigyan ng magandang kinabukasan ang kabataan sa pamamagitan ng maayos na edukasyon. Dahil sa tagumpay ng Republic Act No. 10931, o ang Universal Access To Quality Tertiary Education Act, na nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noon, isinusulong rin natin ngayon ang Senate Bill No. 1360 na naglalayon na mapalawak pa lalo ang coverage ng tertiary education subsidy sa pamamagitan ng pag-amyenda sa RA 10931.


Kung maisabatas, malaking tulong ito sa mga qualified Filipino students dahil magkakaroon na sila ng mas maraming options upang makapag-aral sa institution na nais nilang pasukan.


Co-author din tayo ng SBN 1864, o ang Student Loan Payment Moratorium During Disasters and Emergencies Act, na kung maisabatas ay naglalayon na mapagkalooban ng tulong ang mga estudyante na nagkaroon ng utang sa matrikula pero hindi mabayaran dahil sa mga sakuna at iba pang emergencies.


Bukod dito, iniakda din natin ang SBN 1964, o ang Kabalikat sa Pagtuturo Act, na naglalayon na mapalaki ang taunang teaching supplies allowance na ipinagkakaloob sa ating mga mahal na guro kung maisabatas. Nariyan din ang ating ipinanukalang SBN 1190 para naman mapalawak ang sakop ng Special Education Fund, kung maisabatas ito para magamit sa operasyon at pangangalaga sa mga pampublikong paaralan, suweldo at benepisyo para sa teaching and non-teaching personnel, pagkakaloob ng competency training sa teaching personnel, at iba pa. 


Nag-file rin tayo ng SBN 1786 na kung maisabatas ay nag-aatas sa Higher Education Institutions na magtatag ng mental health offices para mapangalagaan ang mental health ng mga estudyante at empleyado ng institusyon. Co-author din tayo ng SBN 379, o ang Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act.


Bukod sa access to education, nais din nating ilapit ang serbisyo publiko sa mga taong nangangailangan kung kaya’t tuluy-tuloy tayo sa paghahatid ng tulong sa mga kababayan nating nahaharap sa iba’t ibang krisis. 


Noong March 18 ay personal nating binisita at binigyan ng tulong ang 197 residente ng Brgy. San Roque, Quezon City na naging biktima ng insidente ng sunog kamakailan.


Bilang Fire Prevention Month ngayon, paigtingin natin lalo ang pag-iingat upang maproteksyunan ang ating komunidad mula sa sunog. 


Kahapon, March 19, dumalo tayo sa Liga ng mga Barangay sa Pilipinas South Cotabato Chapter 21st Provincial Liga Congress na ginanap sa Pasay City sa paanyaya ni LNB Chapter President Neil Ryan Escobillo. Ang tema nilang “Ang Barangay sa Bagong Pilipinas: Magaling, Marunong, at Mapayapa” ay sumasalamin sa adhikain nating lahat na maghatid ng epektibong serbisyo sa kanilang nasasakupan. Bilang suporta, nagbigay ako ng konting tulong sa mga opisyal doon at nag-iwan ng payo na palaging unahin ang interes ng kapwa nating Pilipino. 


Masaya ko ring ibinabalita na isinagawa na ang inagurasyon ng itinayong Super Health Center ng Department of Health sa Magallanes, Cavite. 


Nakapunta rin ang ating Malasakit Team sa iba’t ibang komunidad para matulungan ang mga naging biktima ng magkakahiwalay na insidente ng sunog kabilang ang 52 sa Brgy. 157, Pasay City; 188 sa Brgy. Culiat, Quezon City; siyam sa Alabel, Sarangani Province; at 515 sa Brgy. Looc, Mandaue City. 


May nabigyan din tayo ng dagdag tulong na 81 na biktima noon ng sunog sa Navotas City na nakatanggap pa ng hiwalay na suporta mula sa NHA sa ilalim ng programang isinulong natin noon para may pambili ang mga ito ng pako, yero, semento at iba pang materyales sa pagtatayong muli ng kanilang tahanan.


Naayudahan din ng aking opisina ang 40 kababaihan sa ginanap na Women’s Month Celebration sa Bulaluhan sa Brgy. Concepcion, Malabon City; at 100 na kababaihan sa 1st Women’s Day Celebration sa Brgy. Tambo, Island Garden City of Samal. 


Natulungan din ang 115 mahihirap na estudyante sa Victorias City, Negros Occidental katuwang si Councilor Dereck Palanca; 305 mahihirap na residente ng Brgy. Poblacion, Dapa, Surigao del Norte katuwang si Brgy. Capt Susana Chua; at 1,000 benepisyaryo na miyembro ng Muslim communities sa Maguindanao del Norte katuwang si Vice Mayor Shameem Mastura.


Bisyo na natin ang magserbisyo, at sa ating walang tigil na pagseserbisyo ay patuloy tayong maghahanap ng paraan na tumulong sa abot ng ating makakaya sa mga kababayan nating nangangailangan. Magkaisa tayo sa ating iisang layunin na maiangat ang buhay ng bawat Pilipino at mabigyan ng mas magandang kinabukasan ang ating mga anak.

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page