top of page
Search
  • BULGAR

Pagsuko ni Quiboloy, ISAFP ang naging bida

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | September 10, 2024



Prangkahan ni Pablo Hernandez

KUNG INARESTO AGAD NG TROPA NI GEN. TORRE SI QUIBOLOY, SIYA SANA ANG BIDA -- Sablay ang naging diskarte ni PNP-Davao Regional Director, Brig. Gen. Nicolas Torre kung kaya’t hindi siya ang naging bida nang mapasakamay ng mga otoridad ang puganteng si Pastor Apollo Quiboloy na nahaharap sa patung-patong na kaso bukod sa sexual abuse at human trafficking.


Natumbok na kasi ng tropa ni Gen. Torre ang lungga ni Quiboloy sa loob ng compound ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) sa Davao City, ‘ika nga wala nang kawala, pero imbes pasukin na at dakpin ang pastor, aba’y binigyan pa ito ng 24-oras para sumuko, at sa tagal ng oras na ‘yan ay nakadiskarte ang kampo ni Quiboloy, tumawag sa mga kakilala nila sa Intelligence Service of Armed Forces of the Philippines (ISAFP) at dito sumuko, kaya ang naging resulta, ang ISAFP ang naging bida sa isyung ito, hindi si Gen. Torre, tsk!


XXX


DEPENSA NGAYON NG MGA ABOGADO NI QUIBOLOY, SUMUKO ANG PASTOR -- Kahit na sinabi pa ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) na hindi boluntaryong sumuko si Quiboloy, kundi kaya lang daw napuwersa itong lumabas sa kanyang lungga ay dahil napapalibutan na ito ng mga otoridad, iginiit pa rin ng mga abogado ng pastor na walang naganap na pag-aresto, at sa halip ay sumurender daw si Quiboloy sa ISAFP.

‘Yan ang dulot ng mabagal na aksyon ni Gen. Torre, na imbes arrested ay nagkaroon pa ng pagkakataon ang mga abogado ni Quiboloy na gamiting depensa sa korte ang pagsuko ng pastor, boom!


XXX


PAGSIBAK KAY IMMIGRATION COMM. TANSINGCO, DAPAT LANG! -- Sinibak na ni PBBM si Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco kaugnay sa isyung pagkakalabas sa Pilipinas ng isa sa mga sangkot sa illegal POGO (Philippine Offshore Gaming Operators) na si former Mayor Alice Guo ng Bamban, Tarlac.


Dapat lang talaga siyang sibakin kasi nagpabaya siya sa tungkulin, at buti na lang natimbog agad ng mga otoridad sa Indonesia si Guo, kasi kung ito ay nakapasok sa bansa nilang China, wala nang habol ang Philippine gov’t. sa mga isinampang kaso laban sa dating mayora, period!


XXX


‘BETTY’ AT ‘ANA’ NA MGA BIGTIME FIXER SA IMMIGRATION, DAPAT DAKPIN AT IKULONG -- Kung sinuman ang papalit kay Tansingco sa BI, dapat gumawa ng aksyon na arestuhin at ipakulong ang mga bigtime fixer sa Immigration.

Hanggang ngayon kasi, labas-pasok pa rin sa BI ang mga bigtime fixer na sina "Betty" at "Ana," at walang ginawang aksyon dito si Tansingco, boom!

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page