top of page
Search

Pagsugpo sa online sexual abuse at exploitation ng mga bata, pagtulungan natin

BULGAR

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Feb. 13, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Sa gitna ng paggunita natin ng National Awareness Week for the Prevention of Child Sexual Abuse and Exploitation, patuloy na nananawagan ang inyong lingkod para sa mas maigting na pagsugpo sa online sexual abuse and exploitation of children (OSAEC).


Bilang isa sa mga may-akda o co-author ng Anti-OSAEC at Anti-Commercial Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Act (Republic Act No. 11930) at ang Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022 (Republic Act No. 11862), nais kong bigyang-diin kung gaano kahalagang matiyak nating epektibo ang mga mekanismo sa pag-ulat, pagresponde, at pag-usig sa mga nang-aabuso, at pag-rehabilitate para sa mga batang biktima ng OSAEC at CSAEM. 


Ang CSAEM ang representasyon ng mga batang biktima ng pang-aabusong sekswal sa pamamagitan ng mga materyal tulad ng video, larawan, maging ang mga sinulat na materyal. 


Naghain kamakailan ang inyong lingkod ng isang resolusyon upang masuri ang nananatiling problema ng bansa sa OSAEC. 


Sa pagsuri natin sa mga hamong ito, inaasahang mapapalakas natin ang mga kasalukuyang hakbang na ating ginagawa upang maging mas ligtas ang internet para sa mga bata at mapanagot ang mga nang-aabuso sa kanila.


Mahalaga ring mapatatag natin ang ugnayan sa pagitan ng mga local government units, law enforcement agencies, at non-government agencies sa pamamagitan ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT). Ito ay para matiyak na merong mga programa at polisiyang naipapatupad nang maayos.


Noong 2022, lumabas sa Scale of Harm ng International Justice Mission na halos kalahating milyong mga batang Pilipino ang nabiktima ng trafficking sa pamamagitan ng live streaming. Pinuna rin ng Anti-Money Laundering Council ang P1.56 bilyong halaga ng mga kaduda-dudang transaksyong may kinalaman sa OSAEC. Nagdulot ito ng 182,729 na kahina-hinalang transaksyon mula 2020 hanggang 2022. Sa 17,600 na kaso ng mga child rights violations na naitala noong 2023, marami rito ang mga kaso ng online sexual abuse at exploitation ng mga bata. 


Matatandaan na noong 2023, iniulat ng iba’t ibang mga telecommunication companies na naharang nila ang 902,000 na mga URLs at website na may nilalamang CSAEM.


Mahalaga rin ang pakikipag-ugnayan natin sa ibang bansa upang mapaigting ang pagbabahagi ng datos, pagpapanagot sa mga may sala, at pagdagdag sa kaalaman ng publiko sa mga panganib na dulot ng OSAEC. Importante ring tiyaking may pananagutan ang mga digital platforms, kabilang ang mga social media company, upang matunton at matanggal ang mga malalaswa at mapang-abusong mga materyal. 


Tiwala ang inyong lingkod na sa ating pagtutulungan, masusugpo natin ang OSAEC at makakamit natin ang mas ligtas na internet para sa ating mga kabataan.

 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

Recent Posts

See All

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page