top of page
Search
BULGAR

Pagsisisihan problema sa blackout, ubos oras lang

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | June 18, 2021



Lumuluwag na ang mga community quarantine, isa-isa na ring binabawasan ang mga curfew, at dumarami na ang nababakunahan, kaya inaasahan na ang unti-unting pagbalik ng ating ekonomiya. Pero kung may mga umeeksenang blackout, paano tayo uusad?


Reminder, mangangailangan ng mas malaking supply ng kuryente ang iba’t ibang negosyo, pabrika man o micro, small and medium enterprises dahil hahaba na ang oras ng kanilang operasyon.


Mabuti kung poproblemahin na lang natin kung ano ang puwedeng remedyo. Pero ang kaso, may problema na nga sa blackout, nagsisisihan pa ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) at Department of Energy (DOE). Ubos oras ‘yan, ano ba?! Kung may problema, dapat IMEEsolusyon ang pagtuunan ng pansin, hindi ang kung sino ang may kasalanan.


Take note, hindi kakayanin ng bumabangon pa lang nating ekonomiya ang “now you see it, now you don’t” na supply ng kuryente. Iwas muna tayo sa mga turuan, okay? Unahin ang trabaho at paghahanap ng solusyon.


Lalo na’t posibleng magtuluy-tuloy ang mga blackout ngayong Hunyo hanggang sa mga susunod na buwan dahil sa mga preventive maintenance ng mga power plant at kawalan ng bagong kontratang magdaragdag sa energy capacity ng bansa.


Dagdag pa ang nakaambang pagkaubos ng power generating capacity sa 2024 ng Malampaya gas field, na supplier ng 30% kuryente sa Luzon. Kundangan kasi itong NGCP, nagtitipid ba kaya hindi kumukontrata ng power reserve, walang makontrata o atubili ang sana’y mga investors sa mga power plant dahil hindi nila inaasahng kokontratahin sila? Ano ba talaga?


Kung may sabwatan naman ang mga industry players kaya may blackout, kahit busisiin ‘yan ng DOE, mahirap patunayan at masupil agad-agad dahil sa umiiral na guidelines, at wala ang agaran maitutulong sa mga pangambang blackout sa ngayon.


Ilan sa IMEEsolusyon na inilatag natin, amyendahan ang Republic Act 10667 o Philippine Competition Law, para mapangasiwaang mabuti ng Energy Regulatory Commission at Philippine Competition Commission ang presyuhan sa Wholesale Electricity Spot Market, bilang proteksiyon sa manipulasyon ng kuryente ng power generation companies.


IMEEsolusyon din na ayusin ang depinisyon sa batas ng mga tinatawag na power reserves o reserbang kuryente, na sa ngayon ay nakatakda lamang sa 40% ng peak demand o pinakamataas na lebel ng paggamit. Dapat nang itaas ito para makaagapay sa tumitinding pangangailangan ng bansa sa enerhiya.


At isa pang IMEEsolusyon, mabilis sanang ipasa ang amyenda sa Foreign Investment Act sa pagbabalik ng sesyon ng Senado sa Hulyo. Magbibigay-daan ito sa pagpasok ng puhunan para sa mga alternatibo sa Malampaya, kabilang ang green energy at nuclear power. Bilisan na ang kilos para makabawi na ang ating ekonomiya! Now na!

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page