ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | January 27, 2023
Muling ipinadama ng mga taga-Pampanga ang kanilang pagmamahal kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa ginanap na “Handog Pasasalamat ng mga Kapampangan” kahapon, January 26. Ang okasyon ay dinaluhan ng mga opisyal ng buong lalawigan. Sa pamamagitan ng isang Sangguniang Panlalawigan Resolution, idineklara si Tatay Digong bilang “Adopted Son of the Province of Pampanga.”
Sa Davao City ay napakaraming residente na nagmula sa Pampanga, kaya mahal na mahal namin ni Tatay Digong ang mga Kapampangan. Maging ang sikat na sisig, paboritong-paborito naming dalawa ‘yan. Kaya naman tuwing makakadalaw ako sa Pampanga, sinisigurado ko na makakain ng kanilang popular na putahe. Bukod sa kanilang pagkain, laging napakainit ng pagtanggap ng Pampanga sa amin mula noon hanggang ngayon, kaya labis na nagpapasalamat si Tatay Digong sa mga kababayan natin du’n.
Nagpasalamat din ako sa mga taga-Pampanga. Ginawaran ang inyong lingkod ng pagkilala dahil sa ating naging suporta at mahalagang kontribusyon sa pagpapalaganap ng kapakanan at interes ng lalawigan ng Pampanga.
Sabi ko sa kanila, kami ni Tatay Digong ay mga probinsyano na binigyan ng pagkakataon na makapaglingkod sa mga Pilipino. Kaya huwag kayong magpasalamat sa amin o sa akin, dahil isang karangalan sa amin ang maglingkod sa inyong lahat at sa ating buong bansa.
Sa pagseserbisyo ko, malaki ang natutunan ko kay Pangulong Duterte. Isa lang ang ipinapaalala niya sa akin noon pa. Unahin mo ang iyong kapwa Pilipino, hinding-hindi ka magkakamali. Pagserbisyuhan nang mabuti. ‘Yan ang ginagawa ko. Asahan n’yo na sa abot ng aking makakaya, hindi ako pulitiko na mangangako sa inyo, magtatrabaho ako sa abot ng aking makakaya. Ipagpatuloy natin ang mga programang nakakatulong sa mahihirap.
Personal ko namang sinaksihan ang groundbreaking ng itatayong Super Health Center sa Gregoria Street, Brgy. Tabon 2, Kawit, Cavite noong January 25, sa imbitasyon na rin ng kanilang local government unit at ng Department of Health (DOH).
Malaki ang papel ng LGU officials at mga mambabatas ng kanilang distrito sa mga programa ng national government upang maging operational ito para sa kapakinabangan ng kanilang mga nasasakupan. Bilang Chair ng Senate Committee on Health, nagpapasalamat ako sa kanilang pagtulong sa layunin ng SHC na ilapit ng gobyerno ang serbisyong medikal sa mga kababayan nating nasa malalayong lugar, gaya sa mga nasa underdeveloped at isolated municipalities na walang sariling ospital. Sa SHC, puwede nang manganak, may dental, laboratory at emergency services para sa mga pasyente, at ibang pang serbisyong medikal.
Sa nasabing okasyon ay binanggit ko rin na suportado ko ang mga inisyatiba ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. Ang ating Pangulo ang ating number one marketing agent para mai-promote ang ating bansa sa buong mundo at makaakit ng mga mamumuhunan para lalong mapalakas at mapabilis ang pagbangon ng ating ekonomiya.
Dinaluhan ko rin ang Liga ng mga Barangay sa Pilipinas National General Membership Assembly na ginanap sa Pasay City noong Miyerkules. Naiintindihan ko ang trabaho ng isang kapitan at sinabi ko na handa akong tumulong sa kanila in my own small capacity. Suportado ko kung ano ang makakabuti para sa lahat. Mahalaga ang papel ng mga opisyal ng barangay sa kanilang mga komunidad dahil kapag may problema ang mga residente o kaya ay may sakuna at kalamidad ay sila ang unang nilalapitan.
Ipinarating ko rin sa mga kapitan na bilang Chair ng Senate Committee on Sports, ayaw kong sayangin ang inumpisahan ni Tatay Digong na labanan ang ilegal na droga at kriminalidad dahil kapag bumalik ang droga, babalik na naman ang korupsyon at iba pang krimen. Malaki ang maitutulong ng mga opisyal ng barangay sa kampanya laban sa droga at kriminalidad. Tulad ng aking ginagawa, dapat engganyuhin ang mga kabataan at mga estudyante to get into sports and stay away from drugs. May mga rehabilitation centers din ang ating gobyerno para tulungan ang mga biktima ng ilegal na droga na gumaling, makapagbagong buhay at makabalik sa kanilang pamilya at lipunan.
Samantala, patuloy ang aking tanggapan sa pagkakaloob ng ayuda sa mga kababayan nating ang kabuhayan ay apektado ng iba’t ibang krisis. Maagap nating dinaluhan ang mga naging biktima ng sunog sa iba’t ibang lugar, gaya ng 112 residente ng Dapa, Siargao Island sa Surigao del Norte; at apat pa sa Bgy. Salvacion, Prosperidad, Agusan del Sur.
Sa paglilibot ko sa iba’t ibang bahagi ng ating bansa ay nakikita ko na kumpara sa nakalipas na dalawang taon ay talagang unti-unti na tayong nagbabalik sa normal. Napakaraming industriya at establisyemento na rin ang nagbukas, at nakabalik na sa trabaho ang ating mga manggagawa. Nagpapasalamat ako sa ating mga kababayan na patuloy na inaalagaan ang kanilang kalusugan at sinusunod ang health protocols, gaya ng pagsusuot ng face masks. Bagama’t hindi na mandatory, mas mabuti na mag-ingat tayo at huwag tayong magkumpiyansa dahil habang may COVID-19, nandyan pa rin ang banta sa ating kulusugan.
Muli, ang pakiusap ko lang sa lahat ng Pilipino ay ang patuloy na pagkakaisa at pagbabayanihan para malampasan natin anumang pagsubok ang kaharapin ng ating bansa, gaya nang napatunayan na natin. Ako na inyong senador ay patuloy na magtatrabaho para sa inyo dahil ako ay naniniwala na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments