ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | February 4, 2024
Kailangang magkaisa ang buong puwersa ng gobyerno at gawing prayoridad ang kapakanan ng mahihirap na Pilipino upang patuloy na makabangon ang ating ekonomiya.
Lumabas sa mga ulat kamakailan na ang ating gross domestic product o GDP noong 2023 ay 5.6 porsyento lamang — mas mababa ito kumpara sa target ng gobyerno na 6-7 porsyento. Kaya patuloy ang Senado sa pagtalakay ng mga panukalang batas na makatutulong sa pagpapaunlad ng ekonomiya para maiangat natin ang kabuhayan ng ating mga kababayan.
Nagiging hadlang sa mithiing ito ang mga isyu na sumisira sa ating pagkakaisa tulad ng diumano ay panunuhol o panlilinlang ng iilan upang isulong ang People’s Initiative na marahil ay hindi repleksyon ng tunay na boses ng ordinaryong Pilipino. Para sa‘kin, dapat panagutin ang mga mapapatunayang nagsamantala sa kahirapan ng mga kababayan para sa kanilang pansariling interes upang matuldukan ang isyu at makapokus na ang lahat sa ating trabaho na iangat ang antas ng kabuhayan ng bawat Pilipino.
Nananawagan ako sa ating mga kapwa mambabatas at mga trabahante sa gobyerno — let’s focus on the work at hand. Walang mga panukalang batas na uusad ‘pag hindi nagkasundo ang dalawang kapulungan ng Kongreso. Unahin nating talakayin ang mga isyung pang-ekonomiya kaysa pulitika, unahin ang pagseserbisyo at pagtulong sa tao, at unahin ang kapakanan ng mga kababayan nating mahihirap.
Ang amin lang naman, nais naming proteksyunan ang Senado bilang institusyon na naglalayong magkaroon ng ‘checks and balances’ sa gobyerno lalo na sa lehislatibo. As nationally elected officials, kami ay naatasan ng taumbayan na maging representante ng buong sambayanan at ipaglaban ang mga adbokasiyang minimithi ng bawat Pilipinong bumoto sa amin. ‘Yan ay parte ng demokrasyang ating ipinaglaban at sinisikap na protektahan.
Hindi dapat mawalan ng saysay ang Senado sa bicameral system na nilalaman ng ating Konstitusyon o mapalitan ang istruktura ng gobyerno na binuo upang maproteksyunan ang tunay na interes at boses ng Pilipino.
Lunes hanggang Linggo, magtatrabaho ako mapa-Luzon, Visayas at Mindanao. Wala akong pinipiling araw o lugar, nagtatrabaho ako lalung-lalo na para sa kapakanan ng mga kababayan nating mahihirap, mga hopeless, helpless at walang malalapitan maliban sa pamahalaan.
Marami sa mga inisyatibong ating ipinaglaban noon ay naisabatas na dahil sa pagtutulungan ng kapwa ko mambabatas sa parehong kapulungan. Nariyan ang National Academy of Sports na ating iniakda. Itong mga regional specialty centers na prayoridad din ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ay naisabatas na at ako ang pangunahing nag-sponsor at isa sa may akda nito. Ang Malasakit Centers Act na aking pangunahing ini-sponsor at iniakda noon. Nabuo na rin ang Department of Migrant Workers na base sa batas na isa ako sa author at co-sponsor. Ilan lamang ito sa mga panukalang ating inihain na batas na upang makatulong sa mga kababayan. Kapag nagtatrabaho ang Senado at Kamara kaagapay ang Ehekutibo, ang makikinabang ay ang buong sambayanan.
Kaya ako ay nananawagan na tuldukan na itong PI at iwasan ang away sa pulitika. Gawin natin ang sinumpaang magserbisyo sa kapwa Pilipino. Gaya ng aking nabanggit na buong linggo tayong nagtatrabaho at walang tigil ang paghahatid ng serbisyo sa mga nabisita at nakasalamuha natin.
Noong February 1, nasa Quezon, Nueva Ecija tayo para sa kanilang Patimyas Ani Festival, isang makulay na pagkilala sa kabayanihan ng mga Novo Ecijanos.
Pinangunahan natin ang pamamahagi ng tulong sa 354 disadvantaged at displaced workers. Ang mga kuwalipikadong benepisyaryo ay nabigyan din ng DOLE ng pansamantalang trabaho.
Bilang chair ng Senate Committee on Health, tiningnan natin ang bagong tayo na dialysis center sa lugar na proyektong sinuportahan ni Cong. Mika Suansing.
Sinaksihan din natin ang inagurasyon ng bagong tayong legislative building ng munisipalidad. Bilang vice chair ng Senate Committee on Finance, nakatulong tayo para mapondohan ang naturang proyekto.
Bumisita naman tayo sa Cuyapo at sumama sa pamamahagi ng tulong si Cong. GP Padiernos para sa 700 mahihirap na residente sa lugar.
Noong February 2 ay ang groundbreaking ceremony para sa Super Health Center sa Lemery, Iloilo.
Naghatid din ng tulong ang aking Malasakit Team sa iba’t ibang komunidad na nahaharap sa mga krisis. Naayudahan natin ang 93 residente ng Brgy. Poblacion, Talisay City at 19 residente sa Brgy. Panacan, Davao City na biktima ng sunog.
Natulungan din natin ang 450 participants sa ginanap na Free Theoretical Driving Course TDC3 sa Guagua, Pampanga. Nagkaloob tayo ng suporta sa 75 TESDA graduates sa Argao, Cebu.
Napakarami nating magagawa para matulungan ang mga kababayan kung magkakaisa. Unahin natin ang serbisyo at pagtulong sa kapwa sa abot ng ating makakaya, nang sa gayon ay walang Pilipinong maiiwan tungo sa minimithing mas ligtas at masaganang buhay para sa lahat.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments