top of page
Search
BULGAR

Pagsekreto sa publiko ng brand ng bakuna? no way!

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | May 24, 2021



Heto na naman ang Department of Health, may bagong pakulo na ‘wag nang ipaalam sa publiko kung anong brand ng COVID-19 vaccine ang ituturok sa kanila. Para raw hindi maging choosy at pa-iniksiyun na kung ano ang available. No way!


FYI lang, DOH, ang bawat pasyente ay may karapatang malaman kung anong klaseng bakuna ang ituturok sa kanila! Juice ko noh, tigilan nila tayo. Alam nilang pang-emergency use lang ‘yan! ‘Di ba nga, wala pang total commercial clearance ang ibinigay ng WHO sa kahit anong brand ng bakuna? Hello!


Kailangan pa bang i-memorize ‘yan? Sob­rang unethical o labag sa prinsipyo na sadyang kulang ang ibibigay na impormasyon sa bawat pasyenteng Pilipino. Emergency use authorization o EUA pa nga lang ‘yan, ipagkakait pa ba ang brand?


Reminder, dapat malaman ng publiko kung ano ang mga banta pati ang mga benepisyo ng bawat bakuna kontra COVID-19, upang maka­pagbigay ang bawat pasyente ng tinatawag na informed consent o mulat na pagsang-ayon bago mabakunahan. Kung kulang na sa umpisa ang impormasyon, pati pag-aaral ng bisa at epekto ng mga bakuna eh maantala. Ano ba talaga ang itinatago?


Papaano tayo pipirma ng ‘consent form’ kung kulang ang impormasyon nakalahad sa atin?


Eh, kahit vaccine card may mga puwang para pangalanan ang brand, manufacturer, batch number at lot number pa? Paano ‘yan isusumite ng maayos? Ibig bang sabihin, itatago ang mga vial o lalagyan ng mga bakuna, aalisin ang tatak, itatapon ang mga kahon? Nagpapatawa ba kayo, DOH?


‘Yan na lang ba ang naiisip na paraan ng DOH para hindi na pumalag at hindi maging choosy ang tao sa bakuna? Eh, mas matatakot magpabakuna ang tao niyan, at hindi na magtitiwala sa ahensiya. Ang publiko ay mas nag­­titiwala na tuloy sa nababasa nila sa social media tulad ng Facebook, kaysa DOH! Hay naku!


Pero, IMEEsolusyon natin d’yan, dapat ayusin pa ng DOH ang kanilang information campaign sa pagpapabakuna, dahil hindi pa rin nalilinawagan ang taumbayan na kahit anong vaccine, gawa man sa U.S. o sa China ay epektibo sa pagpababa ng tiyansansang ma-ospital kahit mahawaan ng COVID.


Kailangan din mahikayat ang mga eksperto at kinatawan sa medisina na makapagsasalita sa kahalagahan ng kahit anong klaseng bakuna laban sa virus. Ipa-brodkas o isapubliko na ‘yan, ulit-ulitin lang. Bilib me, may epekto ‘yan! Agree?

0 comments

Kommentarer


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page