top of page
Search
BULGAR

Pagsasaya at pakikipagkuwentuhan, kailangan para muling sumigla

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | December 28, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Ivan na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Ang panaginip ko ay tungkol sa isang ahas na tumuklaw sa likod ng tuhod ko. Gusto kong tanggalin, pero hindi ko matanggal-tanggal, ngunit noong pinatanggal ko sa kapitbahay namin, natanggal nila ‘yung ahas. Sana ay mabigyan n’yo ng kahulugan ang panaginip ko.


Naghihintay,

Ivan

Sa iyo, Ivan,


Alam mo, iho, may mga bahagi ng katawan na pinanggagalingan ng kiliti. Hindi na natin iisa-isahin pa dahil maaaring alam mo na kung saang parte ng katawan ang mga ito, pero may isang bahagi ng katawan na sobrang nakakikiliti at ito ay hindi alam ng karamihan.


Bago ka mag-iisip ng kung anu-ano, maaaring makikiliti ka na rin, pero hindi ito ang maiisip mong nakapagpangiti sa iyo dahil ang bahaging ito ng katawan ay ang alak-alakan.


Kaya alak-alakan ang tawag dito ay dahil dito naiipon ang kaunting tubig at ang tubig na nasa bahaging ito ay maasim tulad ng asim na nasa wine o alak.


Pero walang kinalaman ang kanyang pangalang alak-alakan sa ating nakakikiliting usapan. Kaya naman ang bahaging ito ay sobrang nakakikiliti dahil ang balat nito ay sobrang manipis na malambot at ang lambot ay kapareho ng lambot ng maselang bahagi ng katawan.


Sa India kung saan naroon ang Hinduism, na isang relihiyong pinanggalingan ng kilalang-kilala ng lahat na aklat ng Kama Sutra, sobrang pinangangalaagan nila ang alak-alakan dahil maselan din ang bahaging ito kapag ang usapan ay tungkol sa love making.


Mababasa sa Kama Sutra na ang mga halik sa alak-alakan ay nagreresulta sa mabilis na pagkakaroon ng libido. Sasabihin ko sana sa iyo na subukan mo, pero ‘wag na lang dahil hindi naman magandang subukan ang mga paraan na may kaugnayan sa pagkakaroon ng libido.


Kaya balikan natin ang iyong napanaginipan na ang mensahe ay nagsasabing, kulang na kulang ang buhay mo sa sigla at sigasig. Maaaring ngayon ay nananamlay ang iyong kapalaran na para bang walang paggalaw, kaya aakalain mo na hindi umuusad ang iyong buhay.


At ang solusyon ayon sa panaginip mo ay kulang ka lang sa “kiliti ng buhay.” Ano ba ang tinatawag na kiliti ng buhay? Ito ay ang mga kakaibang pagkilos na nagreresulta sa pagsaya ng tao.


Ayon sa iyong panaginip, makibahagi ka sa pagsasaya ng mga tao, makihalubilo ka sa mga kabataan at puwede rin sa matatanda. Kumbaga, ang pagsasaya ay nakukuha sa lipunan na iyong ginagalawan at ang tawag dito ng mga sikolohista ay pakikipagsosyalan.


At sa pakikipagsosyalan, kasama rin ang pagkukuwentuhan at sa pagkukuwentuhan, hindi maiiwasan ang tsimisan tungkol sa mga kapitbahay at iba’t ibang anyo ng buhay. At ibinabalita rin ng iyong panaginip ang isa pang mahirap paniwalaang katotohanan na ang tsismis ay isa rin sa epektibong pangkiliti ng buhay.


Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

Recent Posts

See All

תגובות


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page