ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney Marso 6, 2024
Dear Chief Acosta,
Ako ay nakabili ng lupa mula sa aking pinsan sa ilalim ng isang Contract to Sell na kung saan napagkasunduan namin na matapos kong mabayaran ang kabuuang presyo nito, ay mapapasaakin na ang lupa. Hindi pa ako tapos sa pagbabayad ng lupa, ngunit napag-alaman ko na kanya pala itong isinangla sa ibang tao ilang buwan makalipas nang kami ay pumirma sa nasabing kontrata. Maaari ba iyon? -- Kurt
Dear Kurt,
Ang batas na sasaklaw patungkol sa iyong katanungan ay ang Republic Act No. 386 o mas kilala bilang The New Civil Code of the Philippines. Nakasaad sa Articles 428, 1477, 1478 at 1496 nito na:
“Art. 428. The owner has the right to enjoy and dispose of a thing, without other limitations than those established by law.
The owner has also a right of action against the holder and possessor of the thing in order to recover it.
Article 1477. The ownership of the thing sold shall be transferred to the vendee upon the actual or constructive delivery thereof.
Article 1478. The parties may stipulate that ownership in the thing shall not pass to the purchaser until he has fully paid the price.
Article 1496. The ownership of the thing sold is acquired by the vendee from the moment it is delivered to him in any of the ways specified in articles 1497 to 1501, or in any other manner signifying an agreement that the possession is transferred from the vendor to the vendee.”
Samakatuwid, ang iyong pinsan na siyang nagmamay-ari ng lupa, ay maaaring ibenta o isangla ang lupa sapagkat ito ay ilan sa kanyang mga karapatan bilang may-ari. Ang inyong kasunduang Contract to Sell kung saan bibilhin mo ang kanyang lupa ay hindi nangangahulugan na ang nasabing pag-aari ay agad na nailipat sa iyo. Malinaw na nakasaad sa batas na ang mga partido sa isang kasunduan ay maaaring magkasundo na ang pagmamay-ari ng isang bagay na binibili ay hindi maililipat sa nakabili hangga’t hindi niya nababayaran ng buo ang halaga nito. Sa iyong sitwasyon, at sa bisa ng inyong Contract to Sell, ang iyong pinsan ang siyang nananatiling may-ari ng lupa, hanggang sa ito ay mabayaran mo na ng buo, kaya pansamantala ay maaari pa niya itong isangla sa ibang tao.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Comments