ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Jan. 13, 2025
Dear Chief Acosta,
Ako, at ilan sa aking mga kaibigan ay naimbitahan na mag-invest sa isang negosyo. Kami diumano ay magiging mga co-owners ng bagong itatayong branch at kami ay magkakaroon ng bahagi sa kikitain ng nasabing branch. Ang nag-anyaya sa amin ay isa sa aking mga kabarkada nu’ng high school na investor din. Ipinakilala niya sa amin ang nagpakilalang may-ari at isang partner nito na siyang ‘financier’ diumano ng grupo. Dahil maganda ang usapan ay nagtiwala kaming mag-invest ng aming pera. Kinalaunan ay wala kaming kahit na anong natanggap na kita mula sa grupo. Iniisip naming magsampa ng kaso ngunit hindi talaga namin alam kung sino ang aming kakasuhan. Iyon bang nag-anyaya sa amin, iyong nagpakilalang may-ari, o ‘yung financier? — Lourreta
Dear Lourreta,
Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Section 13 ng Rule 3 ng A.M. No. 19-10-20-SC dated 15 October 2019, o mas kilala bilang 2019 Amendments to the 1997 Rules of Civil Procedure. Nakasaad sa nasabing probisyon ang sumusunod:
“Section 13. Alternative defendants. – Where the plaintiff is uncertain against who of several persons he is entitled to relief, he may join any or all of them as defendants in the alternative, although a right to relief against one may be inconsistent with a right to relief against the other.”
Sang-ayon sa nasabing probisyon, ang isang nagkakaso na hindi sigurado kung sino sa pagitan ng maraming mga indibidwal siya maaaring maghabla ay maaaring magsampa ng kaso laban sa isa o lahat sa kanila, bilang mga alternatibong defendants.
Pinapangalagaan ng batas ang karapatan ng isang indibidwal na maaaring naging biktima ng iilang mga indibidwal o grupo ng indibidwal na magkaroon ng hustisya, kahit na hindi niya alam kung sino sa kanyang mga kausap ang maaari niyang ihabla. Maaari niyang ihabla ang sinuman o lahat ng kanyang kausap upang makuha ang hustisyang kanyang kinakamit. Ito ay upang mapangalagaan ang ating mga kababayan mula sa mga indibidwal o mga grupo ng indibidwal na may layon na lituhin ang mga simpleng mamamayan.
Sa iyong sitwasyon, maaari mong kasuhan ang lahat ng mga indibidwal na sangkot sa iyong inirereklamong insidente. Marapat lamang na ilahad mo sa iyong reklamo ang partikular na partisipasyon ng bawat indibidwal na iyong kakasuhan upang makita ng hukom ang basehan ng iyong kaso laban sa bawat isa.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Comments