ni Lolet Abania | November 15, 2022

Sinuspinde ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagsasaayos ng mga kalsada sa mga pangunahing lansangan sa National Capital Region (NCR) hanggang sa unang linggo ng Enero 2023 bilang paghahanda sa daloy ng mabigat na trapiko dahil sa papalapit na Kapaskuhan.
Ipatutupad ng MMDA ang suspensyon sa mga permit para sa pagsasaayos ng mga kalsada mula Lunes, Nobyembre 14 hanggang Enero 6, 2023.
Ito ang isa sa mga traffic management measures ng ahensiya, kung saan ang volume ng mga sasakyan na bumabagtas sa EDSA ay bumabalik na sa pre-pandemic level.
Ayon sa MMDA nasa tinatayang 380,000 hanggang 401,000 sasakyan ang kasalukuyang bumibiyahe sa lansangan, na may 10% hanggang 20% na na-monitor na pagtaas sa mga motor vehicles sa Metro Manila isang linggo bago ang paggunita ng All Saints’ Day o Undas noong Nobyembre 1.
Noong nakaraang linggo, inanunsiyo ng MMDA na nagkaroon ang ahensiya ng kasunduan sa mga mall owners at operators sa Metro Manila para i-adjust ang kanilang operating hours mula sa dating 10AM hanggang 10PM ay gawing 11AM hanggang 11PM simula Nobyembre 14 para maiwasan ang pagdagsa ng mga mall goers, mga empleyado, at estudyante sa mga establisimyento malapit sa EDSA.
תגובות