ni Ryan Sison @Boses | July 8, 2024
Para masimulan na ang rehabilitasyon ng Jolo Airport project sa lalawigan ng Sulu, maglalaan ng P100 milyong pondo ang pamahalaan.
Ito ang inanunsiyo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., kasabay ng pamamahagi nila ng ayuda sa Patikul, Sulu, kung saan ipinahayag nitong binabalangkas na ang lahat ng kinakailangan para maumpisahan ang Jolo Airport Development Project habang may nakahandang budget para rito.
Aniya, may inisyal na P100 million funds na gagamitin para sa pagsisimula ng proyekto.
Kapag maisaayos ang naturang airport ay malaking tulong ito sa ekonomiya ng lalawigan.
Sa kasalukuyan, tahimik at mapayapa ang probinsya sa pamumuno ni Sulu Governor Abdusakur Tan. Wala na ring naitatalang mga insidente ng kidnapping kumpara sa mga nagdaang taon. Hindi na rin aktibo ang teroristang Abu Sayyaf sa naturang lugar. Kaya nararapat lang na mapaganda na rin ang kanilang paliparan.
Nanawagan naman si PBBM sa mga local government units (LGUs) na gawin ang lahat para maprotektahan at masiguro ang kaligtasan ng mga mangingisda at magsasaka.
Sinabi rin niya na dapat tiyaking napangangalagaan nang wasto ang ating kalikasan habang huwag abusuhin ang paggamit ng mga pinagkukunan natin ng yaman.
Pinatututukan naman ng Pangulo ang talamak na ilegal na pangingisda sa lalawigan habang inatasan ang Sulu Maritime Police na paigtingin pa ang kanilang kampanya laban sa illegal fishing.
Maganda ang proyektong sisimulan ng pamahalaan na rehabilitasyon ng paliparan ng Jolo, Sulu.
Dito kasi mag-uumpisa ang pagbangon ng turismo sa lugar dahil magiging bukas na ito sa lahat.
Batid naman natin na kapag maayos ang mga airport o kahit na mga pantalan, maging ang serbisyo nito ay agad na dadayuhin ng local o international tourists na makatutulong nang malaki sa isang lugar dahil sa papasukin na rin ito ng maraming negosyo.
Hiling lang natin sa kinauukulan na bukod sa pagsasaayos ng naturang paliparan, tingnan na rin nila ang iba pa nating mga airport na nangangailangan na ng rehabilitasyon. Minsan na rin kasing ang ‘Pinas ay binansagang may worst airport sa Asya, kaya talagang nakakadismaya.
Pero, kung mapapaganda nga ang lahat ng paliparan sa bansa at paglalaanan ng pondo ng gobyerno, siguradong hindi magtatagal ay higit na aangat ang ating ekonomiya.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Коментари