top of page
Search
  • BULGAR

Pagsampa ng constructive dismissal laban sa mapang-abusong employer

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | September 17, 2024



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Labis na ang pamamahiya at pagpapahirap ng aking employer sa akin, ngunit hindi ko magawang bitawan ang aking trabaho dahil natatakot akong baka mawalan ako ng karapatan na magsampa ng kaso laban sa kanya. Maaari ko pa rin bang makasuhan ang aking employer ukol sa maling pagtrato niya sa akin kung magbibitiw ako sa trabaho ng labag sa aking kalooban? — Julie



 

Dear Julie, 


Hindi taliwas, bagkus sumasang-ayon, ang constructive dismissal sa sitwasyon kung saan ang empleyado ay nagbitiw sa trabaho sa kadahilanang hindi na niya kinaya ang pang-aabuso o pagmamaltrato ng kanyang employer. 


Sa katunayan, sa kasong napagdesisyunan ng Korte Suprema sa Torreda vs. Investment and Capital Corporation of the Philippines, G.R. No. 229881, September 5, 2018, sa panulat ni Honorable Chief Justice Alexander G. Gesmundo, nakasaad na: 


Constructive dismissal is an involuntary resignation resorted to when continued employment is rendered impossible, unreasonable or unlikely; or when there is a demotion in rank and/or a diminution in pay. It exists when there is a clear act of discrimination, insensibility or disdain by an employer, which makes it unbearable for the employee to continue his/her employment. In cases of constructive dismissal, the impossibility, unreasonableness, or unlikelihood of continued employment leaves an employee with no other viable recourse but to terminate his or her employment.” 


Sang-ayon sa nabanggit na kaso, sakop ng constructive dismissal ang inboluntaryo o sapilitang pagbitiw kung saan ang patuloy na pagtatrabaho ay malabo nang gawin sapagkat nakararanas ang isang empleyado ng diskriminasyon, kawalan ng konsiderasyon, at pangungutya mula sa kanyang employer. Dahil dito, hindi na kinaya ng isang empleyado kaya siya ay tuluyan nang nagbitiw sa trabaho.


Sa unang tingin, maiisip na ang empleyado ang kusang nagdesisyon na bitiwan ang kanyang trabaho. Ngunit kung susuriing mabuti, ang maling pagtrato ng kanyang employer ang siyang nag-udyok sa empleyado na tuluyan nang magbitiw, kaya itinuturing itong di-boluntaryo. Ayon sa batas, ang involuntary resignation ay isang uri ng constructive dismissal na maaaring isampa laban sa mapang-abusong employer.


Kaya naman sa iyong sitwasyon, ang labis na pamamahiya at pagpapahirap sa iyo ng iyong employer ay maaaring ituring na pasok sa katagang “clear act of discrimination, insensibility or disdain by an employer, which makes it unbearable for the employee to continue his/her employment” na siyang pinaparusahan sa batas bilang constructive dismissal.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page