ni Ryan Sison - @Boses | October 08, 2021
Kabilang sa mga hakbang na ipinatutupad ng pamahalaan kontra COVID-19 ang contact tracing.
Paraan ito upang mabilis na matunton ang mga may close contact sa isang COVID positive patient, at may iba’t ibang paraan para gawin ito. Nariyan ang paggamit ng QR code na kailangang i-scan bago makapasok sa isang establisimyento at meron ding mano-mano kung saan kailangang namang ilagay ng indibidwal sa isang papel o log book ang kanilang pangalan, contact number at address.
Pero, paano kung ang mga pag-iingat na ito ay maging daan ng mga kawatan para makapanloko?
Kaugnay nito, pinag-iingat ng National Privacy Commission (NPC) ang publiko laban sa ‘smishing’ na sinasabing nag-ugat sa mga personal na impormasyon na ibinabahagi sa COVID-19 tracing at health declaration forms.
Ito ay matapos makatanggap ng mga ulat ang NPC tungkol sa smishing incidents kung saan nakatanggap ng text message ang mga nagsumbong.
Ang siste, may links sa text messages at kapag pinindot ay mapupunta sa isang website na maaaring maging daan upang makuha ang personal data ng subscriber.
Paliwanag ng isang opisyal ng NPC, maaaring magamit ng mga kawatan ang mga impormasyong ito sa pagbubukas ng dummy Facebook account, gayundin sa online shopping o delivery ng mga may inaasahang delivery at hihingin ang kanilang personal at banking informations.
Sa totoo lang, matagal nang isyu ito dahil noon pa man, marami nang duda sa seguridad ng mga impormasyong ibinabahagi sa contact tracing at health declaration forms. At ngayon nga, may nagaganap nang panloloko sa ating mga kababayan.
Hindi rin natin masisisi ang iba kung bakit pinipili nilang dedmahin ang contact tracing forms o sinasadyang maliin ang mga impormasyong inilalagay dito.
Kaya pakiusap sa mga kinauukulan, gawan ng paraan upang matiyak na ligtas at nasa mabuting kamay ang mga impormasyon ng bawat isa sa atin.
Alam nating lahat ang malalang epekto ng mga ito kaya plis lang, galaw-galaw ho tayo bilang tulong sa mga contact tracers na tamang tao ang kanilang matunton at kasiguraduhang protektado ang ating mga kababayan laban sa mga kawatan.
Panawagan naman sa ating mga kababayan, suriing mabuti ang mga natataggap na text message mula sa mga numero na wala sa inyong contact.
‘Ika nga, hindi lang tayo sa COVID-19 dapat mag-ingat dahil ngayong palapit ang Kapaskuhan, malamang na naghahanda na rin ang mga kawatan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments