ni Anthony E. Servinio @Sports | June 6, 2024
Magbabalik para sa ikatlong taon ang “The Green Run at Vermosa” na patuloy ang paglaki bilang isa sa pinaka-inaabangang patakbo ng taon ngayong Hunyo 30 sa Ayala Vermosa, Imus City. Ang tema ngayong taon ay “Go Greener, Get Leaner, Give Back: Run Towards A Brighter Future”.
Tampok dito ang Half-Marathon o 21.1 km at ang 10km, 5km at 3km. Hindi rin mawawala ang isang kilometrong takbuhan kasama ang alagang aso na ipinakilala noong 2023 at pumatok agad sa mga parokyano.
Taglay nila ang mas pinalawak na adbokasiya tungo sa pag-aalaga ng Inang Kalikasan. Isang aksiyon na ginagawa ng pamunuan ng lugar ay ang pagbawal sa mga sasakyan tuwing Sabado at Linggo.
Itutuloy ang suporta ng fun run sa Haribon Foundation na nag-aalaga sa Philippine Eagle. Subalit isasama na sa listahan ng makakatanggap ng tulong ang Pawssion Project at Takbo Kabitenyo.
Layunin ng Pawssion Project na magligtas at alagaan ang mga hayop na dumaan sa abuso o iniwan ng kanilang may-ari. Nais ng Takbo Kabitenyo na tumuklas at humubog ng mga kabataang atleta mula sa lalawigan.
Dahil maka-kalikasan ang karera, ginaganap ang pagpapalista online upang mabawasan ang paggamit ng papel. Kasama sa race kit ang damit at numero para at tatanggap ng medalya ang lahat ng magtatapos habang may dagdag na isa pang t-shirt para sa Half-Marathon. Para sa karera ng aso, may bandana at regalo para sa alaga at damit at numero para sa amo.
Unang ginanap ang Green Run noong 2022 na halos paahon na ang buong mundo mula sa pandemya kaya balot ito ng maraming pag-iingat pangunahin ang pagiging limitado ng kalahok. Sa pagluwag ng mga patakaran, isang mas malaking fun run ang matagumpay na nairaos noong 2023.
Comentários