top of page
Search
BULGAR

Pagrerehistro ng chainsaw

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Oct. 7, 2024



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Nais ko sanang bumili ng chainsaw mula sa aking kaibigan noong nakaraang linggo. Ngunit ako ngayon ay nagdadalawang-isip dahil nabanggit niya sa akin na ang kanyang chainsaw ay hindi rehistrado. Nais ko lamang malaman kung kailangan bang irehistro ang isang chainsaw? At kung sakaling ipagbigay-alam ko ang impormasyon tungkol dito sa mga otoridad, may pabuya ba akong matatanggap? Salamat sa iyong magiging kasagutan.

— Bem-Bem


 

Dear Bem-Bem,


Upang ikaw ay mas magabayan patungkol sa iyong katanungan ukol sa pagkakaroon o paggamit ng isang chainsaw sa ating bansa, maaari nating suriin ang Seksyon 6 ng Republic Act (R.A.) No. 9175, o mas kilala sa tawag na “Chainsaw Act of 2002”, kung saan nakasaad na:


“Section 6. Registration of Chainsaws. - Within a period of three (3) months from the effectivity hereof, all persons who own or are otherwise in possession of chainsaws must register the same with the Department, through any of its Community Environment and Natural Resources Office, which shall issue the corresponding registration certificate or permit if it finds such persons to be qualified hereunder.


Every permit to possess and/or use a chainsaw for legitimate purpose shall be valid for two (2) years upon issuance: Provided, That permits to possess and use chainsaw issued to non-commercial orchard and fruit tree farmers shall be valid for a period of five (5) years upon issuance. For this purpose, the Department shall be allowed to collect reasonable registration fees for the effective implementation of this Act.”


Base sa nabanggit na probisyon ng batas, inuutusan ang bawat taong nagmamay-ari ng isang chainsaw na irehistro ito sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), na idadaan sa kahit saang Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) nito.  Ang nasabing CENRO ang magkakaloob sa nasabing tao ng permiso o pahintulot kung siya ay mapatutunayan na kuwalipikado. Ang nasabing permiso ay may bisa sa loob ng dalawang taon magmula sa araw na ito ay ipinagkaloob.


Bilang kasagutan naman sa iyong katanungan na kung may pabuya ba na maaaring ipagkaloob sa sino mang magbibigay ng impormasyon ang isang hindi rehistradong chainsaw, nakasaad sa Seksyon 8 ng Republic Act No. 9175 na:


“Section 8. Reward. - Any person who voluntarily gives information leading to the recovery or confiscation of an unregistered chainsaw and the conviction of persons charged thereof shall be entitled to a reward equivalent to twenty person (20%) of the value of the chainsaw unit(s). The Department is authorized to include in its budget the amount necessary to carry out the purpose of this Section.”


Nabanggit sa nasabing probisyon ng batas na ang sino man na boluntaryong magbibigay ng impormasyon na maaaring magresulta sa pagkakakuha muli o pagkakakumpiska ng mga hindi rehistradong chainsaw at conviction ng taong nagkasala ay magkakaroon ng pabuya o reward na katumbas ng 20% ng halaga ng nasabing mga chainsaw. Ang DENR ay binibigyang karapatan na isama sa kanilang budget ang halaga na maaaring makatulong para ipatupad ang nasabing probisyon ng batas.  


Kung kaya sa iyong nabanggit na sitwasyon, kung ikaw ay boluntaryong magbibigay ng impormasyon ukol sa hindi rehistradong chainsaw ng iyong kaibigan at ito ay magresulta sa pagkakakuha muli o pagkakakumpiska ng nasabing chainsaw at pagkaka-convict ng taong lumabag sa batas, ikaw ay masasabing nararapat na bigyan ng pabuya nang naaayon sa Seksyon 8 ng Republic Act No. 9175.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page