ni Nancy Binay @Be Nice Tayo | September 8, 2024
Tuwing Setyembre 5 ay ipinagdiriwang natin ang simula ng National Teachers’ Month.Magtatapos ito sa Oktubre 5 at sabay na ipagdiriwang ang National Teachers’ Day at World Teachers’ Day.
Layon nito na bigyang pagpupugay ang mga sakripisyo ng ating mga guro at ang mahalagang kontribusyon nila sa paghubog ng ating talino at husay.
Hindi nga ba’t itinuturing natin sila bilang ating mga pangalawang magulang dahil minsan mas mahabang panahon pa ang ating nagugugol sa paaralan kumpara sa ating mga tahanan.
Kaya naman maraming salamat sa lahat ng mga Pilipinong guro sa inyong serbisyo at pagmamahal. Salamat din at katuwang kayo ng pamahalaan sa pagtataguyod ng dekalidad na edukasyon para sa lahat ng mga mag-aaral.
☻☻☻
Sakto naman ang pagdiriwang ng Teachers’ Month dahil ngayong buwan, matatanggap na ng mga guro sa pampublikong paaralan ang kanilang salary differential para sa buwan ng Enero hanggang Agosto!
Maaasahan na maipagkakaloob ngayong September payroll ng mga guro ang dagdag sa kanilang suweldo.
Base ito sa Executive Order 64 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Agosto 2, 2024.Sinabi ni DepEd Sec. Sonny Angara na may instruction na ang Department of Budget and Management (DBM) na puwedeng gamitin ng mga ahensya ng pamahalaan ang kanilang savings para maibigay agad ang taas-sahod at ito ay papalitan na lamang.
Sa katunayan, tatlong rehiyon na ang nakapagpatupad ng salary differential, limang rehiyon naman ang nagpalabas na ng partial payments, at ang nalalabi ay nasa proseso na rin.
Kaya sa ibang mga guro, kaunting hintay na lamang ang inyong gagawin.
☻☻☻
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice!
FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay
Comments