ni Lolet Abania | December 22, 2020
Walang malalabag na batas ang pagkuha ng mga larawan at videos ng mga nagaganap na krimen sa publiko, ayon sa pangulo ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) na si Domingo Cayosa.
Ito'y kaugnay ng babala ni PNP Chief Gen. Debold Sinas na 'wag kunan ng video ang mga nagaganap na krimen tulad ng kontrobersiyal na pagbaril ng isang pulis sa Paniqui, Tarlac sa mag-inang Sonya at Frank Gregorio.
"A crime is a public offense against the country and the whole republic so, kung gawin mo 'yan at i-video ka, wala kang privacy. Lahat ng mamamayan, mayroon silang karapatan na i-video 'yung mga hindi tamang nangyayari sa publiko... Walang ilegal doon," ani Cayosa sa isang interview ngayong Martes.
"'Di puwedeng i-cite dito 'yung right to privacy ng isang tao," dagdag niya.
Aminado naman si Cayosa na ang pagdi-discourage ng Philippine National Police (PNP) sa pagkuha ng larawan at video at pagdodokumento ng nangyaring krimen ay upang matiyak ang kaligtasan ng mga saksi.
Ayon kay Cayosa, maaari lamang magpaalala ang mga awtoridad sa publiko subalit hindi nila dapat pigilan na kumuha ng larawan at videos ng mga nangyayaring krimen.
"It is perfectly within their right. Lookout na nila kung mayroong repercussion sa kanila but actually it is their duty na i-video 'yan at ibigay sa mga awtoridad para maparusahan at mahuli ang gumagawa ng krimen," sabi ni Cayosa.
Pinapaalalahanan naman ang mga saksi sa pagkuha ng mga photos at videos na hindi ito dapat maging daan para makasira sa operasyon ng mga awtoridad na nagpapatupad ng kanilang tungkulin.
"Let them do their work professionally, in accordance with their rules of engagement at huwag naman i-hinder ang kanilang paggawa ng trabaho," ani Cayosa.
Comments