ni Mylene Alfonso | March 7, 2023

Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at sa Philippine National Police (PNP) na buwagin ang private armies at pinatutukoy din niya ang mga hotspot na lugar tulad ng ginagawa kapag panahon ng eleksyon.
“Actually, ang sinabi ko sa ating [DILG] Secretary [Benhur] Abalos and then the PNP is to now make an examination, kagaya ng ating ginagawa kapag darating ang eleksyon,” tugon ni Marcos sa isang panayam sa Malacañang kaugnay ng pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.
“Gawin n’yo ulit ngayon, don’t think of the elections first but think ano ‘yung mga hotspots, ‘yung mga mainit na lugar tingnan natin,” sabi ni Marcos.
Dapat din aniya na kumpiskahin ang illegal firearms upang matigil ang patayan.
“Ang usual naman na dapat gawin d’yan ay hanapin ‘yung illegal firearms. Basta kakaunti ang illegal firearms, kakaunti ang ganyang klaseng krimen,” saad ng Pangulo.
“'Yang mga private army na ganyan, kailangan i-dismantle lahat ‘yan. That’s what we have asked them to do,” pahayag pa niya.
Hindi rin aniya katanggap-tanggap at kahindik-hindik ang ginawang pagpatay kay Degamo at talagang pulitika ang nakikita niyang motibo.
“It was shocking. I could not believe that this would still happen. Pinasok ba naman ‘yung sarili niyang bahay. When you see the video, talagang lahat na haharap sa kanila, babarilin nila. ‘Yung ibang pinatay nila walang kinalaman sa kanilang gulo,” ani Marcos.
“This one is particularly terrifying… This does not belong in our society. Hindi puwede ‘yung ganyan. Hindi natin pababayaan… Ito this is purely political, ‘yung kay Roel [Degamo],” diin ng Pangulo.
Sinabi rin ni Marcos na handa ang gobyerno na magbigay ng proteksyon sa mga lokal na opisyal na maaaring nag-iisip din na sila ang maging target ng assassination.
“Right now, everybody talagang binibigyan namin ng protection. We don’t have details yet kung sino man who feels aggrieved or whatever,” dagdag pa ng Chief Executive.
Comments