top of page
Search
  • BULGAR

Pagpasok sa finals ng FIBA OQT, target na ng Gilas

ni Anthony E. Servinio @Sports | July 6, 2024


Sports News
Photo: AsiaEuropeSports / FB

 Tatangkain ng Gilas Pilipinas na pumasok sa championship ng 2024 FIBA Olympic Qualifying Tournament ngayong Sabado laban sa Brazil simula 8:30 ng gabi, oras sa Pilipinas, sa Arena Riga.  Bitbit ng mga Pinoy ang umaapaw na positibong enerhiya mula sa dambuhalang 89-80 tagumpay sa host Latvia at palaban na 94-96 pagyuko sa Georgia na bumuhay ng kanilang lakbay patungong Paris Olympics. 


       Humugot mula sa kanilang pinagsamang karanasan sina Coach Tim Cone at mga manlalaro at nagawang tabasan ang malaking lamang ng Georgia na kailangang magwagi ng 19 o higit na puntos.  Matapos ang mintis na free throw ni Chris Newsome ay nagtangka ang Georgia na ipasok ang bola sa goal sa Pilipinas upang ipilit ang overtime subalit hindi nakisama ang bola sabay ubos ng oras.


        Lumikha ng tabla sa 1-1 sa tatlong koponan ng Grupo A at ayon sa FIBA tiebreaker na kabuuang inilamang, pasok ang Latvia (+19) at Pilipinas (+7) habang nagpaalam ang Georgia (-26).  Pareho ang nangyari sa Grupo B at tutuloy ang Brazil (+6) at Cameroon (-1) at hulog ang Montenegro (-5). 


         Nakuha ng Cameroon ang pangalawang upuan sa bisa ng 77-74 panalo sa Brazilians matapos ang laro ng Gilas at Georgia.  Bumira ng tres si Jeremiah Hill na may 57 segundo sa orasan upang wasakin ang 74-74 tabla at lumipat ang Cameroon hanggang tumunog ang busina. 


       Ilan sa mga dapat tutukan ng Gilas ay ang mga NBA player Bruno Caboclo at Gui Santos at sina Leo Meindl, Lucas Diaz at Marcelino Huertas.  Sa una nilang laro, nanalo ang Brazil sa Montenegro, 81-72. Haharapin ng Latvia ang Cameroon sa kabilang semifinal.  Ang mga mananalo ay paglalabanan ang nag-iisang tiket patungong Paris sa Linggo.


0 comments

Kommentarer


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page