ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Mar. 21, 2025

Dear Chief Acosta,
Ikinasal ako sa isang banyaga noong taong 2010 sa Amerika. Kalaunan ay hindi naging maganda ang pagsasama namin. Nakilala ko si Menyong na aking katrabaho. Bagama’t ako ay kasal pa sa banyaga ay nahulog ang loob ko sa kanya at kami ay nagkaanak at nagpakasal din dito sa Pilipinas. Nalaman ko na kumuha pala ng diborsyo ang asawa kong banyaga sa Amerika kaya naman nagsumite ako ng kaso sa korte para kilalanin ang nasabing diborsyo. Kinatigan naman ako ng korte rito sa Pilipinas. Sa kasamaang palad ay naghiwalay kami ni Menyong noong 2020 at gusto ko rin sanang maipawalang-bisa ang kasal ko sa kanya. Maaari ba akong magsumite ng kaso para ideklarang walang bisa ang kasal namin ni Menyong dahil sa ako ay kasal pa sa asawa kong banyaga nu’ng kami ay ikinasal? — Angela
Dear Angela,
Ayon sa Article 35(4) ng Family Code of the Philippines, ang isang kasal ay tinatawag na “bigamous” kung ang isang partido ay ikinasal habang siya ay may legal na kasal sa una niyang asawa. Wala itong bisa simula pa nu’ng una at hindi magkakaroon ng bisa kailan man:
“Art. 35. The following marriages shall be void from the beginning: x x x
(4) Those bigamous or polygamous marriages not falling under Article 41;”
Upang mapawalang-bisa ang isang “bigamous” na kasal, kailangang magsumite ng kaso sa korte na tinatawag na “Petition for Declaration of Absolute Nullity of Void Marriage” o pagdedeklara na ang isang kasal ay walang bisa.
Ang tanong ay kung sino ang maaaring magsumite sa korte ng ganitong uri ng kaso. Ayon sa Section 2(a) ng A.M. No. 02-11-10-SC o ang “Rule on Declaration of Absolute Nullity of Void Marriages and Annulment of Voidable Marriages,” na inilabas ng Korte Suprema noong 4 Marso 2003:
“Section 2. Petition for Declaration of Absolute Nullity of Void Marriages. –
Who may file. – A petition for declaration of absolute nullity of void marriage may be filed solely by the husband or the wife”
Maliwanag sa nasabing batas na ang nasabing kaso ay maaari lamang isumite sa korte ng asawang lalaki o babae. Ngunit sa kasong Maria Lina P. Quirit-Figarido vs. Edwin L. Figarido (G.R. No. 259520, 05 November 2024), na dinesisyunan ng Korte Suprema sa pamamagitan ng Kagalang-galang na Hukom Ricardo R. Rosario, ang asawang naagrabyado lamang ng “bigamous” na kasal ang maaaring magsumite ng kaso sa korte:
“Only the aggrieved or injured spouse of either marriage may petition to declare the nullity of the subsequent marriage. Inasmuch as Maria Lina is not the aggrieved or injured spouse in her prior marriage, she lacks the legal capacity to petition the declaration of nullity of her subsequent marriage.”
Samakatuwid, hindi masasabing naagrabyadong asawa ang isang tao kung siya mismo ang pumasok sa isang bigamous na kasal bagama’t alam niya na kasal siya sa una.
Sa iyong sitwasyon, maaaring hindi ka payagan na magsumite ng kaso para ipadeklarang walang bisa ang kasal mo kay Menyong sa dahilang bigamous ito, sapagkat nagpakasal ka sa kanya kahit alam mo na ang naunang kasal mo sa banyaga mong asawa ay hindi pa napapawalang-bisa. Kaya naman, hindi ka maituturing na naagrabyadong partido.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Comments