top of page
Search
BULGAR

Pagpapaturok ng 21-anyos ng Dengvaxia...

sa kamatayan nauwi at ‘di nagamit bilang proteksiyon vs. dengue

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | August 14, 2020


Ang mga sinag ng araw ay simbolo ng pag-asa. Sa panahon ng matitinding pagsubok na nagbabadya na ang lahat ay mabalot ng karimlan, ang mga sinag na ito ay nagagawa pa ring tumudla o maghatid ng liwanag sa pinakamadilim na bahagi ng buhay. Ang Ray sa pangalan na John Ray Pintor wari ay nagsilbing banaag na patuloy na sinundan, hindi lamang ng mga mata kundi ng buong puso at pagkatao ni John Ray nang siya ay nabubuhay pa. Bagama’t nakapagtapos ng elementarya, hindi niya natapos ang pag-aaral sa sekondarya dahil natapos lang niya ang unang taon. Gayunman, hindi naging hadlang ito upang mangarap siya na maging pulis. Nang siya ay 19-anyos, kumuha siya ng Alternative Learning School Program (ALS Program) ng ating pamahalaan dahil nais niyang makapagtapos at matupad ang ambisyon na maging alagad ng batas. Kaugnay nito, noong Hunyo, 2016, siya ay nabigyan ng pagkakataong makapagtrabaho sa isang pampulisyang ahensiya bilang stay-in utility personnel sa ospital nito. Masasabing tinatalunton na ni John Ray ang daan tungo sa katuparan ng kanyang pangarap nang may maganap na trahedya na buong lupit na ipinagkait sa kanya, hindi lamang ang katuparan ng kanyang hangarin, kundi pati na rin ang kanyang buhay.

Ipinanganak si John Ray noong July 14, 1996 at namatay noong Enero 11, 2018. Siya ang ika-27 sa mga naturukan ng Dengvaxia at nakaranas bago namatay ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak) and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos na hilingin ng kanilang mga pamilya.



Noong Setyembre 15, 2017, si John Ray, bilang empleyado ng nabanggit na ospital ay naturukan ng Dengvaxia vaccine. Ayon sa kanyang ina na si Gng. Purisima B. Pintor, “Ang pagpapabakuna ng aking anak ay nalaman ko lamang noong siya ay namatay na. Ipinaalam lang po sa akin sa pamamagitan ng Dengue Vaccine Immunization Record na nakalakip sa kanyang record sa ospital.”

Noong Oktubre, 2017, nagsimula ang mga sintomas ng malubha niyang karamdaman. Siya ay nilagnat at nagka-trangkaso (flu) ng tatlong araw habang siya ay nasa trabaho, kaya siya ay nagpasuri sa ospital kung saan siya nagtatrabaho. Noong Nobyembre 12 hanggang 14, 2017, sa kanilang bahay sa Cavite, idinaing niya ang naramdaman niyang abdominal at chest pain. Napakataas din ng kanyang lagnat na umabot sa humigit-kumulang 40 degrees Celsius. Noong Nobyembre 16, 2017, kinuha siya ng ambulansiya upang dalhin sa ospital na pinagtatrabahuan niya kung saan libre siyang masusuri at magagamot. Sa loob ng nasabing ambulansiya, si John Ray ay hinimatay dahil sa matinding sakit na kanyang nararamdaman. Dahil dito, dumaan muna sila ng kanyang pamilya sa isang ospital sa Maynila at nang bumuti-buti ang pakiramdam niya, dinala na siya sa ospital na kanyang pinagtatrabahuan. Siya ay na-confine hanggang Nobyembre 20, 2017. Ang initial finding sa kanya, siya diumano ay tinamaan ng dengue.

Pagkalabas sa ospital, sa kanilang bahay ay patuloy ang kanyang mataas na lagnat at pananakit ng tiyan at dibdib. Noong Nobyembre 28, 2017 hanggang Disyembre 1, 2017, ibinalik siya sa ospital na kanyang pinagtatrabahuan dahil wala pa ring pagbabago sa kanyang kondisyon. Gayunman, noong Disyembre 18, 2017, pinilit ni John Ray na dumalo sa kanilang Christmas party upang makipagsaya sa kanyang mga katrabaho. Ang mga petsang Disyembre 23, 2017, Enero 2, 4 at 9, 2018 ang mga naging kritikal na sandali sa buhay ni John Ray na humantong sa kanyang kamatayan noong Enero 11, 2018. Narito ang ilan sa mga detalye ng mga pangyayaring ‘yun:

1. Disyembre 23, 2017 - Ipinaalam ni John Ray sa kanyang pamilya na kumonsulta muli siya sa doktor at ang sabi sa kanya ay may nana sa kanyang lalamunan dahil umano sa tonsillitis. Idinaing din niya ang kanyang tiyan, dibdib at masakit na gilagid. Simula noon, nahirapan na siya kumain at makapagsalita.

2. Enero 2, 2018 - Ibinalik siya sa ospital na kanyang pinapasukan dahil hirap na hirap na siyang magsalita, kumain at huminga.

3. Enero 4, 2018 - Sinabi ng doktor na lalagyan nila ng tubo sa bibig si John Ray, ngunit hindi pumayag ang kanyang ina. Ang paliwanag ng doktor, hirap na diumano si John Ray sa paghinga at kulang na ang pumapasok na oxygen sa kanyang katawan.

4. Enero 9, 2018 - Bumiyahe ang pamilya ni John Ray papunta sa isang mas malaking ospital sa Maynila, ayon na rin sa payo ng doktor ni John Ray dahil kulang sa kagamitan ang ospital nila.

5. Enero 10, 2018 - Na-admit si John Ray sa mas malaking ospital sa Maynila kung saan agad-agad siyang nilagyan ng tubo dahil hirap na talaga siyang huminga.

6. Enero 11, 2018 - Sa mismong mga salita ni Gng. Pintor: “Bandang madaling-araw, namatay po ang aking anak at ito ay nagdulot sa amin ng labis na pighati at sakit ng kalooban, lalong-lalo na po noong malaman ko na ang aking anak ay naturukan ng Dengvaxia dahil sa ipinakita sa akin na Dengue Vaccine Card.”

Maging sa panahon ng pagdadalamhati ng pamilya ni John Ray, patuloy nilang sinusundan ang banaag na nasilayan nito sa pagtupad sana ng kanyang pangarap. Ang banaag na ito ang kanilang tanglaw patungo sa PAO upang malaman ang katotohanan hinggil sa kamatayan ni John Ray at makamit ang katarungan para sa kanya, sa tulong ng aming tanggapan, ng inyong lingkod, at PAO Forensic Team. Kasama kami ngayon ng pamilya Pintor sa pakikipaglaban sa hustisya para kay John Ray at patuloy na pinatatatag ng paniniwala na ang katotohan na susi ng katarungan ay mababantad din sa liwanag.

0 comments

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page