top of page
Search
  • BULGAR

Pagpapatupad ng gun ban, dapat nang simulan

ni Ryan Sison @Boses | Oct. 4, 2024



Boses by Ryan Sison

Bilang paghahanda para sa nalalapit na 2025 midterm elections, sisimulan na ng kapulisan ang implementasyon ng gun ban at pagbawi sa security detail ng mga kandidato.


Ipinahayag ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rommel Francisco Marbil na nakatakdang magpulong next week ang komite na siyang mangangasiwa sa pagpapatupad ng gun ban at security preparations para sa eleksyon sa susunod na taon.


Ayon kay Marbil, nais ng kapulisan na iwasan ang insidente ng karahasan tulad ng patayan tuwing sumasapit ang halalan kaya ang isa sa mga naiisip nilang paraan ay ang maagang pagpapatupad ng gun ban nationwide na ibig sabihin ay pansamantalang kakanselahin ang permit to carry firearms outside of residence (PTCFOR) ng mga gun owner.


Sinabi ni Marbil na mag-uumpisa na ang election period kaya kailangang gawin na ang ilang adjustment para maayos na maimplementa ang gun ban.


Gayundin, sisimulan nila ang pagbawi sa security detail ng mga kandidato kapag natapos na ang paghahain ng certificate of candidacy (COC) sa October 8. 

Paliwanag ng PNP chief, kailangang malaman muna ng kapulisan mula sa Commission on Elections (Comelec) ang mga kandidato na may police security at ilan ang nakatalaga sa kanila.


Ililipat naman ng assignment ang mga pulis na matutukoy na may kamag-anak na tatakbo sa kasalukuyan nilang destino para maiwasan na magkaroon ng anumang impluwensya sa mga botante.


Katuwang ang Armed Forces of the Philippines (AFP), bubuhayin ng PNP ang Joint Peace and Security Coordinating Center para mabatid kung may pangangailangan ang isang kandidato na mabigyan ng protective security.


Marahil, tama lamang na maagang ipatupad ang gun ban sa buong bansa para maging maayos at safe ang mga mamamayan habang papalapit ang eleksyon.

Kadalasan nga kasi kapag nagsimula na ang election period ay naglalabasan na ang mga report tungkol sa mga nangyaring kaguluhan sa iba’t ibang lugar hindi pa man talaga nagbobotohan.


Para bang nagsasabing simula na rin ng karahasan na sadyang nagdudulot ng takot sa mga kababayan.


Pero kung aagahan ng kinauukulan ang pagpapatupad ng gun ban, hindi man totally mapigilan, kahit paano ay mabawasan ang mga masasamang insidente o patayan.


Payo lang sa ating mga kababayan na palaging mag-ingat at maging mapagmatyag sa lahat ng oras, habang agad na magsumbong sa mga otoridad kung mayroon mang kahina-hinala sa inyong lugar.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page