top of page
Search
BULGAR

Pagpaparehistro bilang licensed pharmacist

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Dec. 30, 2024



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Ako ay nakapagtapos ng kursong Bachelor of Science in Pharmacy at ngayon ay nahihirapan akong magdesisyon kung itutuloy ko ang pagkuha ng Pharmacist Licensure Exam. Ito ay sa kadahilanan na matapos kong kumonsulta at magpatingin sa mga doktor, napag-alaman ko na mayroon akong kondisyon na alcoholism. Dahil dito, nais kong malaman kung maaari pa rin ba akong makapagrehistro bilang isang licensed pharmacist, kahit na may medikal na pagsusuri ako patungkol sa aking kondisyon. Salamat sa iyong kasagutan. -- Den-Den


 

Dear Den-Den,


Nakasaad sa ating batas ang mga dahilan upang hindi marehistro ang mga pumasa sa Pharmacist Licensure Exam. Ito ay makikita sa Seksyon 45 (b) ng Republic (R.A.) Act No. 10918, o mas kilala bilang “Philippine Pharmacy Law”, na nagsasaad na:


Section 23. Grounds for Non-registration. - The Board shall not register any successful examinee who has been:


(a) Convicted of an offense involving moral turpitude by a court of competent jurisdiction;

(b) Summarily adjudged by the Board as guilty for misrepresentation or falsification of documents in connection with the application for examination or for violation of the General Instructions to Examinees;

(c) Found guilty of immoral or dishonorable conduct by the Board;

(d) Medically proven to be addicted to any drug or alcohol by a medical or drug testing facility accredited by the government; and

(e) Declared of unsound mind by a court of competent jurisdiction. x x x


Ang Professional Regulatory Board of Pharmacy (PRBC) ay ginawa at binuo upang mangasiwa sa pagpapatupad ng mga proseso at mga kuwalipikasyon para sa pagkuha ng licensure exam upang maging isang registered pharmacist sa ating bansa. Kaugnay nito, ang PRBC ay may kapangyarihan na hindi irehistro ang sinumang pumasa sa licensure exam, kung taglay nila ang mga kondisyon na nakalahad sa Seksyon 23 ng R.A. No. 10918. 


Isa sa mga dahilan upang hindi marehistro ang isang tao na pumasa sa Pharmacist Licensure Exam ay kung mapapatunayan na siya ay may adiksyon sa kahit anong droga o alak. Ang medikal na pagsusuri ng nasabing kondisyon ay dapat magmula sa mga pasilidad ng medikal o drug testing na kinikilala ng ating gobyerno. Kung kaya, sa iyong nabanggit na sitwasyon, kung mapapatunayan na ang iyong medikal na kondisyon ng alkoholismo ay nagmula sa pasilidad ng medikal na kinikilala ng ating gobyerno, maaaring hindi ka makapagrehistro bilang isang licensed pharmacist sa ating bansa.


Ang mga nasabing kondisyon upang hindi marehistro ay ginawa upang masigurado na pawang mga kuwalipikado lamang na licensed pharmacist ang makapagbibigay ng propesyonal na serbisyo sa ating mga kababayan.


Gayunpaman, nararapat lang na huwag mawalan ng pag-asa sapagkat may oportunidad pa rin na ang nasabing tao ay mabigyan ng certificate of registration (COR) kung mapapatunayan na ang nasabing medikal na kondisyon ng alkoholismo ay gumaling na. Ito ay nabanggit din sa parehong probisyon ng batas kung saan nakasaad na:


In refusing the registration, the Board shall give a written statement setting forth the reasons therefor and shall file a copy thereof in its records. Should ground (d) be proven to be no longer existent, the Board shall issue a Board Resolution allowing the issuance of such COR.”


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page