top of page
Search
BULGAR

Pagpapaopera, dapat ituloy ng misis na may bukol sa matris dahil hahaba pa ang buhay

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | December 13, 2022



KATANUNGAN


  1. May sakit ang misis ko ngayon at sabi ng kanyang doktor, may cyst siya sa matris. Kailangan na raw siyang operahan, pero natatakot siya, kaya puro herbal at alternative medicine ang iniinom niya ngayon. Gustuhin ko man siyang maoperahan, natatakot talaga siya at kahit anong pilit ang gawin ko ay parang pag-aaksaya lang ng panahon.

  2. Naisipan kong sumangguni sa inyo para ipabasa ang guhit ng kanyang mga palad nang sa gayun ay masigurado namin na kung sakaling magpapaopera siya ay walang masamang mangyayari sa kanya.

  3. Sa madaling salita, sa inyong opinyon, kapag naoperhan ang misis ko, hahaba pa ba ang buhay niya at hindi tama ang kinakatakutan niya? Kung matitiyak sa guhit ng mga palad niya na hahaba pa ang kanyang buhay, ito ang magiging dahilan para mawala ang takot niya at makumbinsi ko siyang magpaopera bago tuluyang lumala o lumaki ang bukol sa matris niya.

KASAGUTAN


  1. Kung tiwala naman kayo ng misis mo sa doktor na pinagkonsultahan n’yo, mas mainam pa rin na sumunod kayo sa mungkahi o suhestyon niya, higit lalo kung may pera naman kayong pampaopera.

  2. Samantala, kung hindi naman kayo gaanong nagtitiwala sa inyong doktor, hindi naman masama na humingi o maghanap ng ikalawa o ikatlong pagkokonsultahang doktor para sa tinatawag na second opinion. Sa ganyang paraan, kung marami kayong nakausap na doktor, mas magiging maliwanag ang isip n’yo kung dapat ba talaga o hindi magpaopera sa misis.

  3. Ayon sa Palmistry, ganito naman ang nais sabihin ng malawak, mahaba, makapal, hindi dispalinghado, hindi lumabo at hindi putol na Life Line (Drawing A. at B. L-L arrow a.) sa kaliwa at kanang palad ng misis mo. Ito ay malinaw na tanda na hahaba pa ang kanyang buhay at kung sakaling magpapaopera na siya, hindi magiging dahilan ‘yun upang mawala na siya sa mundong ito o mabalo ka at maulila ang inyong mga anak.

  4. Ang pag-aanalisang hindi pa mamamatay ang misis mo ay madali namang kinumpirma ng malinaw, may sigla, buhay at gumagalaw niyang lagda. Ito ay nangangahulugang unconsciously, nasasagap ng kanyang inner self na hahaba pa talaga ang kanyang buhay. Mas malamang na ang totoong kinakatakutan niya na hindi mo napapansin ay hindi ang mismong pagbiyak sa kanyang tiyan kundi ang napakalaking gagastusin sa nasabing operasyon, lalo na sa panahon ngayong magpa-Pasko pa.

MGA DAPAT GAWIN


  1. Samantala, Julius, kung may sapat naman kayong budget para sa pagpapaopera ng iyong misis, walang masama kung susundin n’yo ang advice ng kanyang doktor para mawala na ang inyong agam-agam at problema.

  2. Ayon sa datos ng iyong misis, anuman ang mangyari, walang problema dahil malulusutan niya ang nakatakdang operasyon at matapos nito, mabilis siyang makakarekober, muli siyang lalakas, lalo pang hahaba ang kanyang buhay, magsasama pa kayo nang matagal, mananatiling buo at masaya ang inyong pamilya habambuhay at hanggang abutin pa kayo ng pagtanda.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page