ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 11, 2023
Dear Chief Acosta,
Ako ay isang Overseas Filipino Worker (OFW) at ang suweldo na nakasaad sa aking kontrata na ipinasa sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ay Three Hundred Dollars (USD 300.00) kada buwan. Subalit pagdating ko rito sa Dubai, pinapirma ako ng panibagong kontrata na nagsasaad na ang tatanggapin ko na lamang ay Two Hundred Dollars (USD200.00) kada buwan. Napilitan akong pirmahan ito dahil sabi nila ay ipapa-deport diumano ako kung hindi ako pipirma. Mawawalan na ba talaga ng saysay ang kontratang pinirmahan ko r’yan sa Pilipinas? - Joanna
Dear Joanna,
Una sa lahat, sa ilalim ng ating batas ay ilegal ang contract substitution o ang pagpapalit ng kontrata na may mas mababang benepisyo. Ayon sa Section 6 (i) ng Republic Act (R.A.) No. 8042 o mas kilala bilang Migrant Workers and Overseas Filipinos Act, na inamyendahan ng R.A. No. 10022, mahigpit na ipinagbabawal ang sumusunod ng gawain:
“(i) To substitute or alter to the prejudice of the worker, employment contracts approved and verified by the Department of Labor and Employment from the time of actual signing thereof by the parties up to and including the period of the expiration of the same without the approval of the Department of Labor and Employment.”
Isinaad din ng Kagalang-galang na Korte Suprema sa kaso ng Datuman v. First Cosmopolitan Manpower and Promotion Services, Inc. (G.R. No. 156029, 14 November 2008, Ponente: Retired Honorable Chief Justice Teresita J. Leonardo-de Castro), na ang kontrata na kailangang ipatupad ay ang kontrata na inaprubahan ng POEA:
“Hence, in the present case, the diminution in the salary of petitioner from US$370.00 to US$100 (BD 40.00) per month is void for violating the POEA-approved contract which set the minimum standards, terms, and conditions of her employment. Consequently, the solidary liability of respondent with petitioner's foreign employer for petitioner's money claims continues although she was forced to sign another contract in Bahrain. It is the terms of the original POEA-approved employment contract that shall govern the relationship of petitioner with the respondent recruitment agency and the foreign employer.”
Ibig sabihin, hindi nararapat na Two Hundred Dollars (USD200.00) lamang ang natatanggap mo kahit na nakapirma ka sa pangalawang kontrata sa Dubai. Obligasyon ng lokal na ahensya na iyong pinag-applyan dito sa Pilipinas na siguraduhin na naipatutupad ang inyong orihinal na kontrata sa POEA.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Comments