top of page
Search
BULGAR

Pagpalain si Fr. Elias Ayuban, Jr., bagong Obispo ng Cubao

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Oct. 7, 2024



Fr. Robert Reyes

Ano ba ang tinatawag na news? Ito ba ‘yung galing sa salitang “new” o bago? O ang ibig sabihin lamang ay balita. 


Ano ang halimbawa ng news na hindi bago dahil “recycled” o lumang pinagmukhang bago? 


Noong nakaraang mga araw, pinawalang sala ng Sandiganbayan sa plunder case ang tatlong malalaking pulitiko at personalidad sa ating bansa. Milyung-milyong piso ang nawala sa pamamahala umano ng tatlong ito ngunit inabsuwelto ng Sandiganbayan. Bago ba ito? Hindi at lumang-luma na ang balitang iyan. Walang dating, walang bigat, walang halaga, walang katuturan. 


Ano ang narinig kong mga reaksyon nang ipawalang-bisa ng Sandiganbayan ang mga plunder case laban sa tatlo? “Ah talaga! Anong bago, ‘di ba?” 


Inaasahan namang ma-dismiss ang mga kaso ng mga ‘malalakas,’ makapangyarihang trapo na kung tutuusin napakalaki ng krimeng ginawa nila laban sa taumbayan ngunit sanay na sanay na ang marami na walang nangyayari sa anumang kaso na kinasasangkutan nila. Walang bago, walang balita. Kung mauulit ang ‘pangungulimbat’ nila, wala ring bago rito, walang balitang may saysay na ilabas ito.


Ano ang tunay na news o totoong balita? Noong nakaraang Biyernes ay nagmisa tayo ng alas-6 ng gabi. Nagulat na lang ako nang babasahin ko pa lang ang mga “intension” o panalangin ng bayan para sa misang iyon. Merong isiningit na kapirasong papel sa gawing kanan ko. Nang basahin ko ay ito ang nakasulat, “Ipagdasal po ninyo ang bagong obispo ng Cubao na si Padre Elias Ayuban CMF.”  Napangiti na lang ako at sa dulo ng mga panalangin, isinunod ko kaagad na basahin ang magandang balita sa bagong obispo ng Diyosesis ng Cubao, Padre Elias Ayuban, Jr. CMF.  

Pagkatapos ng misa ay dali-dali nating tinawagan ang isang kaibigang Claretiano. Masaya’t puno ng kantiyawan ang aming usapan. “Mahusay ang bagong Obispo ng Cubao. Amin yata si Padre Elias Ayuban,” buong pagmamalaki ng aking kaibigang Claretiano. Agad din niyang sinabi na, “misyonero siya at babad sa tao.”  


Hindi na nagpatumpik-tumpik ang kaibigan kong Claretiano na imbitahan akong makiisa sa kanilang pagdiriwang na ginaganap ng sandaling iyon. At dahil hindi naman kalayuan ang Claret sa aming parokya, tinanggap natin ang paanyaya at agad-agad akong tumungo sa kinaroroonan ng bagong obispo ng Cubao.


Masaya ang kapaligiran at wagas ang kagalakan ng pamilya Claretiano sa pagkakapili ni Pope Francis kay Padre Elias bilang bagong Obispo ng Diyosesis ng Cubao. 

Tapos na ang mahabang paghihintay ni Bishop Honesto Ongtioco sampu ng kanyang kaparian. Mula pa nang ipinagdiwang ni Bishop Nes ang kanyang ika-75 kaarawan, nagsimula na ang paghihintay at paghahanda ng lahat. Masayang malungkot ang pagreretiro ng obispo. Pinaglingkuran niya ang kanyang diyosesis ng buong katapatan at pagmamahal. Nakilala at nakasama niya ang kaparian sa paglilingkod sa 49 na parokya na sumasakop sa malawak na teritoryo ng Cubao. 


Nasa 21 taon din ang mabilis na dumaan sa paglilingkod ng mahal naming Bishop Nes sa Diyosesis ng Cubao. Napakaraming pinagdaanan hindi lang ng Diyosesis ng Cubao kasama ng aming obispo kundi ng buong simbahang lokal at ng buong bansa. 


Apat na administrasyon ng iba’t ibang presidente ang sama-sama naming hinarap, mula kina dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, former President Noynoy Aquino, dating Pangulong Rodrigo Duterte at ang kasalukuyang Pangulong Bongbong Marcos.


Hindi naging madali at maayos ang buhay ng lahat lalo na sa panahon ni Pangulong Duterte kung kailan naranasan ng maraming pari ang umano’y banta at panggigipit.


Napasama na rin dito si Obispo Nes, Obispo Soc Villegas at Obispo Ted Bacani. 

Simula pa lang sa paglilingkod ni Bishop Nes bilang obispo, naranasan na rin natin ang mahabang paglalayag sa labas ng Diyosesis ng Cubao ng 11 taon mula 2006 hanggang 2017. Hindi naging madali at masaya ang buhay sa simbahan at bansa sa mga panahong iyon. Ngunit sa kabila ng lahat, naging magkaibigan at magkasamang lingkod kami ni Obispo Nes sa Diyosesis ng Cubao.


Masaya at puno ng pag-asa ang balita ng pagbibigay sa Diyosesis ng Cubao ng kanyang bagong obispo. Kung sinu-sino na ang narinig, naisip, inakalang magiging obispo ng Cubao. Wala ni isa ang tumama dahil si Padre Elias ang itinalaga.


Ibang-iba ito sa naunang balita ng mga trapong pinawalang-sala ng mataas na korte ng bansa. Wala namang nagbago sa lipunang tunay na kayhirap baguhin. Ngunit, laging

may pag-asa sa simbahan dahil hindi lang tao ang kumikilos dito kundi ang Espiritu ng Diyos. 


Ito nga ang tunay na news, tunay na balita. At hindi lang ito balita kundi tulad ng Ebanghelyo ay magandang balita. 


Idalangin din natin ito, “Pagpalain ninyo Panginoon ang bagong Obispo ng Cubao na si Padre Elias Ayuban, Jr. CMF. Gamitin ninyo siya sampu ng kaparian at layko ng Cubao sa pamamahayag at pagpapalaganap ng inyong kaharian ng katotohanan, katarungan, pag-ibig, pag-asa at kalayaan. Tulad ng ulan na bumabagsak sa tigang na lupa, muli ninyong patabain ang lupa ng misyon, lupa ng pamamahayag ng inyong mabuting balita sa Diyosesis ng Cubao.” Amen!


Opmerkingen


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page