ni Ryan Sison @Boses | August 28, 2024
Matagal-tagal pang makakahinga ng maluwag ang mga motoristang walang RFID stickers o walang sapat na load sa toll gates dahil hindi pa sila pagmumultahin ngayong katapusan ng buwan.
Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista, ipinagpaliban niya ang pagpapatupad ng revised guidelines sa mga toll expressway sa October 1 sa halip na sa August 31.
Ang revised guidelines, na nakasaad sa Joint Memorandum Circular (JMC) 2024-01, ay nilagdaan nina Bautista, Land Transportation Office (LTO) Assistant Secretary Vigor Mendoza II, at Toll Regulatory Board (TRB) Executive Director Alvin Carullo noong August 1.
Sinabi ni Bautista na ang pagpapaliban sa pagpapatupad ng naturang memorandum ay makakatulong sa pagbibigay ng mas maraming oras sa mga tollway para ipaalam sa taumbayan ang bagong guidelines.
Gayundin aniya, umaasa sila na gagamitin ng mga kinauukulang ahensya at mga tollway operator ang 30-araw na pagpapaliban para maisaayos ang mga operasyon ng expressway at higit pang paigtingin ang public information campaign upang bigyang-daan ang mga tollway users na sumunod sa mga bagong alituntunin.
Nakasaad din sa naturang memo na ang mga motorista ay dapat mag-apply para sa isang electronic toll collection device gaya ng isang RFID tag, na ikakabit ito sa kanilang mga sasakyan, at tiyakin na ang kanilang mga account ay may sapat na balance para pambayad sa kanilang mga toll fee.
Ang pagpasok sa isang tollway na walang RFID sticker ay pagmumultahin ng P1,000 para sa first offense, P2,000 para sa second offense, at P5,000 para sa mga sumunod na paglabag.
Habang ang paglabas sa toll expressway na walang sapat na balance o load para ipambayad dito ay pagmumultahin ng P500 para sa first offense, P1,000 para sa second offense, at P2,500 para sa mga susunod na paglabag.
Sinabi naman ng TRB na dahil dito ay umaasa silang mapapabuti ang daloy ng trapiko sa mga toll plaza, at bilang paghahanda na rin sa kanilang transition para sa cashless transactions.
Marahil, mahaba-haba na rin ang isang buwan na palugit para magawa ng maraming motorista na magkaroon ng sariling RFID at malagyan din ng load kung wala pa sila nito hanggang ngayon.
Hindi naman kasi libre ang pagpasok sa mga expressway na talagang mabilis ang mga biyahe.
Sadyang lang may mga makukulit na mga motorista na nagpapatay-malisya at ayaw agad kumilos, na gusto pa atang magmulta nang magmulta.
Kaya sana dahil sa na-postpone na ang pagpapatupad ng nasabing guidelines, samantalahin na lang natin na maisaayos ang kinakailangan sa pagpasok natin sa mga toll expressway para hindi na rin tayo magkaroon pa ng anumang problema.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Hozzászólások