ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Oct. 4, 2024
Itong Sabado ay World Teachers Day, na huling araw din ng nataguriang World Teachers Month. Nag-ugat ito sa pinagsanib na rekomendasyon noong 1966 ng International Labour Organization (ILO) at ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) ukol sa estado ng mga guro at ng kanilang mga karapatan at katungkulan, pati sa pagtakda ng mga pamantayan para sa iba’t ibang aspektong pangkaguruan.Ang mismong World Teachers Day ay unang ipinagdiwang noong 1994 ng UNESCO at ng Education International (EI).
Sa taong kasalukuyan, sa ika-30 pagdiriwang ng pandaigdigang araw ng mga guro, ang tema na idineklara ng UNESCO at EI ay ang pagpapahalaga sa boses ng mga guro patungo sa makabagong kontratang panlipunan ukol sa edukasyon.
Nasa sa Kagawaran ng Edukasyon o Department of Education at sa Komisyon sa Mas Mataas na Edukasyon o Commission on Higher Education ang malawakang pagpapatupad ng naturang tema, na naglalayong mapalawig ang halaga ng ating mga guro’t propesor sa pamamagitan ng pagdinig sa mga kuru-kurong makapagpapabuti ng kanilang kalagayan at kakayanan. Makatutulong din ito sa mga kolehiyo, paaralan at pamantasan, sila na ikalawang tahanan hindi lamang ng mga estudyante kundi pati ng mga kawaning ang serbisyo ay para sa kapakanan ng daan-daan o libu-libong mag-aaral.
Napakarangal na propesyon ng pagtuturo. Matimyas bilang hanapbuhay at bokasyon, at walang maikukumpara sa mga guro sa pagiging madamayin at optimistiko para sa kabataan at sa kinabukasan. Pinahahalagahan pa nga nila ang pag-unlad ng mga mag-aaral kahit sila’y mapag-iwanan ng mga ito. Gumagastos pa ang mga titser ng sariling pera mula sa kanilang kakarampot na sahod at hindi ipinagdadamot ang oras, araw-gabi, lalo na sa paghahanda ng mga ituturo at pagmamarka ng tambak na mga sulatin at pagsusulit, pati sa mga gawaing sa kanila’y itinalaga kahit walang kinalaman sa pagtuturo.
Sa pagiging likas na mabuting tao ng mga guro, at bukod sa kani-kanya nilang kadalubhasaan, sila ay nakapagtuturo ng katatagan at integridad. Pundasyon ang mga ito sa pagpapatibay ng katauhan at katalinuhan ng mamamayan upang kanilang maunawaan at mapili ang wasto at nararapat — maging sa magiging liderato, personal na karera o katambal sa buhay.
Ipinalalabas ng dedikadong guro ang angking galing at lakas ng loob ng kanyang mga estudyante upang sila’y maging armado ng kaalaman at malinawan sa landas na dapat tahakin bilang bahagi ng lipunan.
Sa mga estudyante, pagkakataon ang okasyong ito upang regaluhan ang inyong guro ng kahit maliit o payak na bagay, o kahit man lang sila’y ngitian at yakapin, bilang pagtanaw ng utang na loob sa kanilang sipag at sakripisyo. At sa bawat panahon sa loob ng silid-aralan, marapat na ibuhos ang atensyon sa kanila at iwaksi ang pagse-cellphone habang sila’y masigasig na nagtuturo.
Mas gawing masigasig ng gobyerno ang pag-aalaga sa ating mga guro, sa pamamagitan ng mga makatao’t makatarungang polisiya patungkol sa kanilang suweldo at trabaho. Mahalaga sila sa pagyabong ng kaisipan, na dapat suklian ng pagmamalasakit at pagpapahalaga. Bigyan rin ng sapat na insentibo ang mga nais maging tagapagturo.
Ngayong World Teachers Day, taos-pusong pasasalamat sa kadakilaan ng mga gurong hindi ipinagkait ang kanilang sariling kapakanan para mapaglingkuran ang mga mag-aaral na kanila na ring itinuring na mga anak. Ang lawak at tayog ng narating ng mga sumailalim sa inyong maalab na pagtuturo ay salamin ng lalim ng inyong pagmamahal hindi lang sa amin kundi sa bayan.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.
Comentarios