ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | Pebrero 15, 2023
Kumusta ang inyong selebrasyon ng Araw ng mga Puso? Sana hanggang ngayon ay may mga ngiti pa sa inyong mga labi habang inaalala ang inyong naging date, at patuloy na maging matatag ang inyong relasyon ng inyong minamahal sa mga darating pang panahon. Sa mga loveless, huwag mawalan ng pag-asa dahil lagi raw tayong may katapat na mamahalin sa mundong ito. Bukod naman sa usapin ng pag-ibig, bilang inyong Chair ng Senate Committee on Health, para mas maging masaya ang inyong love life, ipinapayo kong siguraduhin n’yo ring malusog ang inyong puso. Huwag masyadong magpapagod, magpupuyat o aabusuhin ang katawan.
Seryosohin ang mga senyales na nararamdaman. Kapag mabilis nang mapagod o hirap huminga at may iba pang nararamdaman, magpakonsulta na agad sa doktor. Tandaan, health is wealth. Mga kapwa ko Pilipino, palagi naman kayong nasa puso ko, Valentine’s Day man o ordinaryong araw. Ipinadarama ko ang pagmamahal ko sa lahat ng Pilipino sa pamamagitan ng patuloy na paghahatid ng malasakit at serbisyo sa abot ng aking makakaya. Masaya kong ibinabalita na ang dating pangarap natin noon na Masalakit Center ay naisakatuparan na at limang taon na ngayong naglilingkod sa ating mga kababayan.
Noong Pebrero 10, binisita kong muli ang Vicente Sotto Memorial Medical Center sa Cebu City kung saan itinatag ang kauna-unahang Malasakit Center para gunitain ang ikalimang anibersaryo ng programa. Sa kasalukuyan ay mayroon nang 154 Malasakit Centers sa buong bansa. Dahil sa programa, naging mas madali para sa mga higit na nangangailangan nating kababayan ang makakuha ng tulong medikal sa pamahalaan. Ayon pa sa Department of Health (DOH), naalalayan na rin ng mga Malasakit Center ang mahigit 7 milyong pasyente at sa kasalukuyan ay patuloy pang nadaragdagan ang mga natutulungan ng mga ito sa araw-araw. Ang Malasakit Center ay one-stop shop na naglalayong magkaloob ng mabilis at mas maayos na tulong-medikal sa lahat ng Pilipino. Sinimulan natin ang inisyatiba noong February 2018. Na-institutionalize ito sa pamamagitan ng Republic Act No. 11463 na nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na tayo ang principal author at nag-sponsor sa Senado noong 2019. Noong unang panahon, wala pang Malasakit Center. Karaniwan na ang nangyayaring senaryo ay ganito — Lunes, pupunta ang pasyente o kanyang pamilya sa city hall para humingi ng tulong.
Martes, pupunta sila sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), pipila para humingi ng tulong. Miyerkules, pupunta sila sa Department of Health (DOH). Huwebes, pupunta sila sa Department of Social Welfare and Development (DSWD). Biyernes, pipila para i-process ang benepisyo mula sa PhilHealth. Sa ganitong sistema, ubos ang panahon at pamasahe nila sa kakapila para humingi lang ng tulong pampagamot. Sabi ko, bakit natin pahihirapan ang mga Pilipino? Pera naman nila ‘yan na dapat ibalik sa kanila sa pamamagitan ng mabilis na serbisyo. Kaya sa Malasakit Center, sama-sama na sa iisang bubong ang mga ahensya ng pamahalaan at hindi na mahihirapan pa ang ating mga kababayan sa pagpila. ‘Yan ang aking naging paninindigan simula nang pagkatiwalaan n’yo akong maging lingkod-bayan —ang ilapit ang serbisyo ng gobyerno sa mga tao. Kaya nang dumalo ako sa ginanap na Rotary Concerns Forum (ROTACON) na ginanap noong Pebrero 11 sa Acacia Hotel sa Davao City, binigyang-diin ko na patuloy kong inilalapit ang mga serbisyo ng pamahalaan sa mga tao sa pamamagitan ng mga panukalang-batas na magpoprotekta sa kanilang kapakanan at mga karapatan. Ibinahagi ko sa ginanap na forum na ang trabaho namin bilang senador ay legislation, constituency, and representation. Hindi ko matiis na nakaupo lang sa malamig na opisina habang ang mga kababayan natin ay naghihirap. Dapat na tayong nasa gobyerno ang lumapit sa ating mga kababayan, lalo na sa mahihirap. Binanggit ko rin na bilang Chair ng Senate Committee on Health, natutuwa ako na ang ilan sa mga nai-file kong panukalang-batas sa 19th Congress ay parte ng legislative agenda na nilalaman ng Philippine Development Plan 2023-2028 na inaprubahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. Kabilang dito ang Senate Bill No. 195 na naglalayong magtatag ng Philippine Center for Disease Control and Prevention; SBN 196 para maitayo ang Virology Science and Technology Institute of the Philippines; at ang SBN 1321 na naglalayon na magkaroon ng mas maraming specialty centers sa buong bansa. Noong Lunes, nag-co-sponsor ako sa sesyon namin sa Senado sa panukalang nais itatag ang Philippine Center for Disease Control and Prevention upang lalong makapaghanda ang ating bansa sa anumang darating na mga health crises. Sino ba naman ang nag-akalang darating sa buhay natin itong COVID-19? At posibleng hindi ito ang huling pandemyang mararanasan natin kaya kailangang one-step ahead na tayo. Kung maisabatas ito, ang CDC ang mangunguna sa paghahanda ng mga hakbang para sa disease prevention and control. Magiging bahagi nito ang Research Institute for Tropical Medicine (RITM) na nangunguna rin sa kampanya laban sa pandemya, lalo na noong mga unang buwan at taon simula nang magkaroon ng kaso ng COVID-19 sa bansa. Naalala ko tuloy kung paano natin ipinaglaban na huwag bawasan at bagkus ay dagdagan pa ang budget ng RITM para sa 2020 national budget. Sa katunayan, patuloy nating ipinaglalaban na dagdagan pa ang kanilang budget sa bawat taon hanggang naging P730 milyon ito noong 2022 mula sa P198 milyon lamang noong 2019. Sino ba naman ang mag-aakala na ‘yung RITM na opisina na binawasan nila sa proposed budget, ang ahensyang mangunguna po sa testing at sa laban kontra pandemya noon? Asahan n’yo na bilang inyong lingkod-bayan, patuloy akong magsusulong ng mga panukala at inisyatiba upang lalo nating mapabuti ang mga serbisyo ng gobyerno at mas mailapit pa ang mga ito sa tao, lalo na sa mga kababayan nating walang malalapitan maliban sa ating pamahalaan.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comentarios