ni Judith Sto. Domingo @Asintado | April 19, 2024
TATLONG araw na lang bago mag-ika-54 Earth Day, ang araw ng pandaigdigang pagpapahalaga sa ating planeta.
May natatanging linya sa Bibliya na angkop sa usaping ito, ang nakasaad sa Job 12:8 na, “Kausapin mo ang lupa at ikaw ay tuturuan, magpapahayag sa iyo ang mga isda sa karagatan.”
Magandang maiugnay ang mga salitang iyan sa kahalagahan ng ating natural na daigdig, na ang “pagkausap” sa buhay na mga nilikha, gaya ng mga hayop, halaman, langit at kalupaan, ay ang pagtrato sa mga ito bilang mistulang mga tao rin gaya natin.
Kung ganito ang ating magiging pananaw sa alinmang nabubuhay na bagay, marahil ay palagi nating tatratuhin ang mga iyon nang tama, at ito ay makapagdudulot ng inaasam na katiwasayan ng mundo at pagwaksi sa mabibigat na suliraning pangkalikasan gaya ng climate change.Isipin natin: Hindi natin magagawang tila basurahan ang ating mga magulang, kung kaya’t hindi natin itatapon sa kanilang kinalalagyan ang anumang hindi nabubulok na supot, upos ng sigarilyo at iba pang uri ng kalat na may sangkap na plastik.
Hindi natin lalasunin ang ating mga kapatid, gaya ng pagsusunog ng dahon at anumang basura, na nakapipinsala sa ating nalalanghap na hangin.
Hindi natin sasayangin ang pagkakataong mahalin at arugain ang ating kabiyak o katuwang sa buhay, hindi gaya ng pag-aaksaya ng sobra o hindi naubos na pagkain na maaari namang gawing pampataba ng lupa sa hardin o bukirin.
Hindi natin aaksayahin ang mga panahong maaaring magpamalas ng pagkalinga sa ating mga anak, hindi gaya ng pagsasayang ng gasolina (na unti-unti ring nakadaragdag sa init ng mundo) kung makakaya namang magbisikleta o maglakad patungo sa malalapit na paroroonan. Hindi natin mamaliitin ang halaga nina lolo at lola, kung kaya’t mainam kung atin ding pahahalagahan ang mga kumpanyang nagpapamalas ng pananagutang pangkalikasan, maging manlilikha ng mga produktong eco-conscious gaya ng EcoNest sa Baliuag o mga nag-a-upcycle ng gamit na plastik gaya ng Green Trident sa Valenzuela o The Plaf sa Muntinlupa.
At hindi natin aaksyahin ang anumang pagkakaugnay sa ating mga kaibigan gaya ng pag-aaksaya ng kuryente dala ng nakasinding bombilya sa gitna ng liwanag ng araw o maging ang hindi pagbura ng mga email na hindi na kailangan.
Ang kagandahan ng usaping ito ay lumalawak na rin kahit papaano ang kamalayan ng madla ukol sa pagmamalasakit sa ating mundo.
Nariyan ang mga programang pambarangay, gaya ng pagkolekta ng gamit nang mga bote na plastik na maaaring ipagpalit kada kilo para sa sariwang isda, o maging ang paggamit ng mga natatanging search engine gaya ng Ecosia at Ocean Hero, na naglalayong magtanim ng puno o magtanggal ng plastik na basura mula sa karagatan. Ilan lamang ito sa maaaring pagwawasto ng mga kaugaliang nakasasakal sa ating planeta na, gaya ng kasabihan, ay hindi natin minana sa ating mga ninuno kundi ating hiram sa ating mga anak at kanilang magiging mga anak.
Kaya para sa kapakanan nating lahat, pakamahalin natin ang ating mundo kung saan umiinog ang ating makulay na buhay, matimyas na pag-asa at wagas na pangarap para sa hinaharap.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.
コメント