top of page
Search
BULGAR

Paglobo ng tiyan o madalas na pagkakaroon ng kabag, sintomas ng pamamaga ng apdo

ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | November 17, 2020




Dear Doc. Shane,


Mayroon akong problema sa aking apdo. Sabi ng doctor ay namamaga raw ito ayon sa test na kanyang isinagawa. Ano ba ang mga posibleng sanhi nito at paano magagamot? - Isabel


Sagot


Ang pamamaga ng apdo o cholecystitis ay kadalasang sanhi ng pagkakaroon ng bara sa mga daluyan ng bile papalabas ng apdo. Ang ilan sa maaaring makabara sa daluyan ng bile ay ang mga namuo o tumigas na sangkap sa loob ng apdo (gallstones), pagkakaroon ng peklat sa mga daluyan ng bile, maging ang pagliit ng mga daluyang ito.


Maaari itong lunasan sa pamamagitan ng mga antibiotic, endoscopic retrograde cholangiopancreatography (ERCP), maging ng operasyong cholecystectomy.


Mayroong dalawang uri ng cholecystitis. Ang mga ito ay ang acute cholecystitis at ang chronic cholecystitis:

  • Acute cholecystitis. Ito ay nagdudulot ng matinding pananakit sa apektadong bahagi, pagkahilo, pagsusuka at pagkakaroon ng mataas na lagnat.

  • Chronic cholecystitis. Ito ay ang banayad na pamamaga ng apdo subalit, higit na mas tumatagal kaysa sa acute cholecystitis. Ang sakit na ito ay nagbubunga ng nanunumbalik na pananakit na maaaring banayad lamang at walang ibang sintomas. Kapag lumala, nagdudulot ito ng pagkapinsala at ng pagkakaroon ng peklat sa mga bahaging nagsisilbing dingding ng apdo.


Sanhi:

  • Bato sa apdo (gallstones). Isa sa mga pangunahing dahilan ng pagkakaroon ng cholecystitis ay ang pagtigas ng mga namuong mga sangkap sa apdo. Ang mga namuong sangkap o mga bato ay bumabara sa mga daluyan. Dahil dito, mamamaga ang bahaging ito ng katawan.

  • Pagkakaroon ng tumor. Ito ay maaari ring bumara sa mga daluyan ng bile papalabas ng apdo. Dahil dito, maiipon ang mga bile at magdudulot ng pamamaga na maaaring mauwi sa pagkakaroon ng bara sa daluyan ng bile.

  • Pagkakaroon ng pinsala sa mga ugat na daluyan ng dugo. Kapag nagkaroon ng malubhang karamdaman, maaaring mapinsala ang mga ugat na daluyan ng dugo. Dahil dito, magkakaroon ng problema sa pagdaloy ng dugo papunta sa apdo na isa rin sa mga maaaring sanhi ng pagkakaroon ng cholecystitis.


Sintomas:

  • Paglobo ng tiyan o pagdanas ng kabag

  • Pagkamaselan ng kanang itaas na bahagi ng tiyan

  • Pagbaba o tuluyang pagkawala ng ganang kumain

  • Pagkahilo at pagsusuka

  • Pagpapawis


Pag-iwas:

  • Pag-iwas sa mga pagkaing may saturated fat

  • Pagkain sa tamang oras

  • Pag-eehersisyo sa loob ng 30 na minuto, limang araw bawat linggo

  • Pagbawas ng timbang na tumutulong sa pag-iwas sa bato sa apdo

0 comments

Bình luận


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page