top of page
Search
BULGAR

Paglipat ng mana ng yumaong kapatid sa mga pamangkin

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 12, 2023


Dear Chief Acosta,


Ang aking mga magulang ay kasal, at ako ay kanilang nag-iisang anak. Subalit, ang aking ina ay nagkaroon ng anak sa pagkadalaga bago pa man siya ikasal sa aking ama. Noong nakaraang buwan ay pumanaw ang aking ina, samantalang ang aking kapatid sa ina, na may asawa’t dalawang anak, ay tatlong taon nang patay. Gusto kong malaman kung may karapatan ba ang asawa at anak ng aking kapatid sa mana na naiwan ng aming yumaong ina? - Chris


Dear Chris,


Ang batas na nasasaklaw patungkol sa iyong katanungan ay ang Republic Act No. 386 o mas kilala bilang New Civil Code of the Philippines. Nakasaad sa Sections 895 at 972 nito na:


“Article 895. The legitime of each of the acknowledged natural children and each of the natural children by legal fiction shall consist of one-half of the legitime of each of the legitimate children or descendants.


Article 972. The right of representation takes place in the direct descending line, but never in the ascending.


In the collateral line, it takes place only in favor of the children of brothers or sisters, whether they be of the full or half blood. […]”


Alinsunod sa mga nabanggit na probisyon ng batas, ang iyong kapatid na isang illegitimate child ay may karapatan sa katumbas ng kalahati ng iyong makukuhang mana mula sa inyong yumaong ina. Sa kadahilanang siya ay naunang pumanaw kaysa sa inyong ina, ang kanyang mamanahin ay maililipat sa kanyang dalawang anak sa pamamagitan ng “right of representation.”


Samantala, ang kanyang asawa naman ay walang karapatan sa nasabing mana sapagkat ang nabanggit na right of representation na itinakda ng batas, ay para lamang sa mga kamag-anak na kabilang sa direct descending line, tulad ng anak.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page