ni Judith Sto. Domingo @Asintado | July 3, 2024
Lumalamig na nang paunti-unti ang klima sa gitna ng tag-ulan. Naiibsan na ang sobrang init ng panahon lalo na sa gabi. Nagugunita tuloy natin ang panahong nasa New York tayo at nanunuot sa ating kalamnan ang ginaw na hindi naman tayo sanay.
Ang lamig ding ito ang kasalukuyang nararanasan ng ating kaibigang kasalukuyang nasa Australia. Ngayon pa lamang siya nakaranas ng matinding ginaw, na kahit pa patong-patong ang makakapal na kasuotan mula bumbunan hanggang talampakan ay nanginginig pa rin sa lamig ang kanyang buong katawan. Ito ‘yung kalamigan na tila tunaw na yelo ang panghugas at pampaligo, na kung hihinga ka palabas ng bibig ay may kasamang puting singaw.
May mga araw pa roon na ang matinding lamig ay sinasamahan ng naghuhumiyaw na hangin, na tila mapanakot na pagsipol ng kalikasan.
Kung tutuusin, masuwerte pa siya na ang kanyang pinuntahan ay walang niyebe.
Bagama’t marikit sa paningin ang paglaglag ng snow ay ayaw ito ng maraming nakararanas dahil madulas, makapal at matigas kung mamuo sa lupa at kinakailangang pagbanatan ng buto para matanggal gamit ang pala.
Ibang-iba ang ating Perlas ng Silangan, na ang klima ay pantropiko. Ang pagbaba ng temperatura rito sa atin ay kaaya-aya at ikinalulugod sapagkat hindi sukdulan o nanunuot sa kasu-kasuan. Ito ang ating inaasam na lamig na bagay sabayan ng paglagok ng mainit na kape, o ng paggamit ng makapal na balabal o jacket.
Dito natin higit na napapagtanto ang sakripisyo ng ating mga kababayang nakikipagsapalaran sa mga bansang may winter o sobrang ginaw para matustusan at maiahon ang mga mahal sa buhay. Hindi lamang lamig ng panahon, kundi lamig din ng kawalan ng makakasamang katuwang sa buhay o masasandalang kaibigan ang tinitiis ng ating mga overseas Filipino worker sa ngalan ng pagtupad sa mga pangarap ng pamilya.
Sa puntong ito, napapagnilay-nilayan natin ang ilang mga katotohanan na:
Una, madadaan man sa sanayan ang pagtira sa bansang hindi mo kontrolado ang panahon o pagtrato ng ibang tao, iba pa rin ang mamalagi sa lupang kinagisnan at kinalakihan. Tunay na wala pa ring lugar gaya ng sariling bayan at sariling tahanan.
Ikalawa, kahit may mga aspeto ng buhay na hindi natin hawak ay dapat pagsikapan nating mabalanse sa bawat araw ang mga bagay na tayo’y may kapangyarihan, gaya ng dami ng aasikasuhin o oras na gugugulin hindi lang para sa kailangang pagkaabalahan kundi pati sa panaka-nakang kasiyahan.
Ikatlo, iwaksi natin ang nakalulungkot at pesimistang pananaw na nakapaloob sa kasabihang, “Sala sa init, sala sa lamig.” Itaboy natin ang mentalidad na, “Ayos lang ako” at walang pakialam, lalo na ang mga lingkod-bayan, sa gitna ng mga kakulangan o kahirapang nararanasan ng iba sa araw-araw ukol sa serbisyo-publiko, mga pasilidad, at paraan ng pamamahala ng gobyerno.
Lagi nating sikapin na mapaganda ang buhay hindi lamang para sa sarili kundi para rin sa ating kapwa, na siyang magbibigay-kabuluhan sa ating pagiging nilalang at magdudulot sa ating kalooban ng wagas na kaligayahan. Piliin nating huwag maging malamig sa paglingap sa pangangailangan ng ibang nakagulapay na. Bagkus ay maging sing-init tayo ng pusong tunay na nagmamahal na laging handang magsilbi at masaktan.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.
"Tunay na wala pa ring lugar gaya ng sariling bayan at sariling tahanan. " Sabi nga ng bayaning taga Tanauan na si Apolinario Mabini, "mahalin mo ang iyong bansa, sunod sa Diyos at sa iyong karangalan sapagka't ito lamang ang tanging paraisong ibinigay sa iyo ng Diyos sa buhay mo at sa kayamanan ng iyong lahi, ang tanging pamana sa iyo ng iyong mga ninuno at ang tangi mong pag-asa para iyong iyong sariling pag-unlad." Tungkol naman sa panlalamig ng mga serbisyo ng ilang ahensiya ng pamahalaan, dapat buhayin at ulit-ulitin ng Civil Service Commission angt dati nitong slogan na "Mamamayan muna, hindi mamaya na."