ni BRT | May 3, 2023
Umapela si dating Makati Vice Mayor Ernesto Mercado sa lokal na pamahalaan ng Taguig at Makati na magtulungan para magkaroon ng “smooth transition” kaugnay sa naging pinal na desisyon ng Supreme Court (SC) na nagtatakda na ang 729-hectare Fort Bonifacio Military Reservation sa Makati ay nasa hurisdiksyon ng Taguig City.
Nauna nang sinabi ni SC Spokesman Brian Keith Hosaka na bunsod ng ipinalabas na pinal na desisyon ng SC sa land dispute ay hindi na ito tatanggap ng anumang pleadings, motions, letters o anumang komunikasyon patungkol sa nasabing isyu.
Sa naging desisyon ng SC, sinabi nito ang Taguig ang siyang nakakasakop sa kinukuwestiyong teritoryo base na rin sa historical, documentary at testimonial evidence, sakop ng 729 hectare na hurisdiksyon ng Taguig City ang Fort Bonifacio kabilang dito ang Bgy. Pembo, Comembo, Cembo, South Cembo, West Rembo, East Rembo at Pitogo gayundin ang Philippine Army headquarters, Navy installation, Marines’ headquarters, Consular area, JUSMAG area, Heritage Park, Libingan ng mga Bayani, AFP Officers Village at 6 pang villages sa tabi nito.
Nakasaad din sa SC decision na ang Makati City ang magbabayad ng ginastos sa land dispute case.
Kommentare