ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | December 29, 2022
Ito ang huling artikulo na isusulat natin sa kasalukuyang taon at ang kasunod nito’y sa pagpasok na ng 2023, na sana ay huwag kayong magsawa sa pagsubaybay at sisikapin nating maiparating ang pinakahuling pangyayari na may kaugnayan sa ating mga ‘kagulong’.
Nakita n’yo na kahit kabi-kabila ang ating dinadaluhang okasyon bilang Unang Representante ng 1-Rider Party List ay ‘kagulong’ pa rin ang prayoridad at hindi tayo papayag na maputol ang ating ugnayan sa pamamagitan ng artikulo nating ito.
Bilang manunulat ay wala tayong bakasyon, kahit nasaan, kahit nasa gitna pa ng malayong biyahe gamit ang motorsiklo ay bitbit natin ang laptop upang makapagsulat tuwing may pagkakataon.
Kahit sa pagdalo sa mga pagdinig sa Kongreso ay sinisiguro nating may pagkakataon tayo kahit sandali upang magsulat dahil pinananabikan natin ang bawat araw na magkadaupang-palad tayo sa tuwing binabasa ang ating panulat.
Mula nang magtapos ang inyong lingkod bilang abogado sa Ateneo De Manila University (ADMU) ay nagsimula na tayo sa serbisyo-publiko.
Marahil ay isa rin ito sa dahilan kung bakit hanggang ngayon ay binata pa rin ang inyong lingkod, ngunit wala tayong planong tumandang binata. Nagkataon lang na nasa gitna tayo ng pagpupursige kung paano makapag-aambag ng tulong sa bayan.
Kaya tulad ng binanggit natin, walang Pasko, walang Bagong Taon, walang kahit anong okasyon ang maaaring maging dahilan upang hindi tayo gumawa ng artikulo dahil pananagutan natin ito sa mga tagasubaybay.
Kasabay nito ay nais nating bigyang-pansin ang pamunuan ng Land Transportation Office (LTO) dahil sinimulan na nila ang paglilinis sa kanilang tanggapan na kilalang isa sa pinakamatindi ang umiiral na korupsiyon.
Kung inyong matatandaan ay naisulat na natin ang unang araw ni LTO Chief Jay Art Tugade na pag-upung-pag-upo ay nagdeklara agad ng giyera laban sa matinding korupsiyon gamit ang bagong teknolohiya, lalo na sa pagrerehistro ng sasakyan at pagkuha ng lisensya.
At isa nga’y pag-ibayuhin ang Land Transportation Management System (LTMS) para mabawasan ang human intervention sa lahat ng transaksyon na pinagmumulan ng korupsiyon.
Sa pamamagitan ng pinulidong LTMS ay madaling maipoproseso ang lahat dahil matapos i-upload ang medical certificate, insurance at/o vehicle inspection report ay mabilis na matatapos ang transaksyon.
Sa ganitong paraan ay mapuputol na umano ang umiiral na sabwatan ng mga fixers sa mga tiwaling empleyado ng LTO na silang gumagawa ng paraan upang bumagal ang proseso at magkaroon ng pagkakataon ang mga fixers na mag-alok ng serbisyo upang bumilis ang lahat.
Alam nating walang magiging fixer kung walang kasabwat na tiwaling empleyado at sa tingin natin ay natumbok na ng bagong LTO Chief ang ugat ng napakatagal nang sistema ng korupsiyon sa loob ng naturang tanggapan.
Mukhang totohanan na, kasi noong nakaraang linggo ay nagpakita sila ng sample—isang empleyado mismo ng LTO ang inaresto dahil huling-huli sa akto na nagsisilbing fixer sa mga transaksyon sa loob ng opisina.
Isang entrapment operation umano ang isinagawa sa loob ng Guimbal Extension Office sa Iloilo ay huli sa akto ang empleyado na tumanggap ng P6,000 mula sa operatiba na nagpanggap na magpaparehistro ng sasakyan.
Napakarami pa ng iba’t ibat klase ng anomalya sa loob ng tanggapan ng LTO, ngunit magandang simula ito para sa pagpasok ng taon para ipakita sa taumbayan na umuusad na ang pagbabago sa LTO.
Sa kabila nang pag-arangkada na ng LTO sa pagsisimula ng kanilang pagbabago ay marami pa rin ang nagkikibit-balikat na marami na umano gumawa nito at posibleng ningas-kugon lang para magpapansin.
Sana ay huwag namang panghinaan ng loob ang LTO na ituloy ang mabuti nilang ginagawa, dahil mas mabuting umasa na may pagbabago kesa wala. Masaganang Bagong Taon sa inyong lahat!
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
Comments