top of page
Search
BULGAR

Paglabas-masok sa NCR, mas hinigpitan


ni Mary Gutierrez Almirañez | March 23, 2021




Mahigpit na sinusuri sa checkpoint ang mga ID at dokumento ng bawat motorista na lumalabas-masok sa boundary ng Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal o ang tinatawag na ‘NCR Plus bubbles’ sa pagpapatuloy ng ipinatutupad na bagong guidelines ng Inter-Agency Task Force (IATF) kontra COVID-19 ngayong umaga, Marso 23.


Batay sa ulat, iniisa-isa ang mga motorsiklo, pribado at pampublikong sasakyan sa boarder ng Quezon City - Batasan Road, San Mateo Rizal at sa Payatas Road - Rodriguez Rizal upang masigurado na sila ay essential workers, authorized person outside residence (APOR) at may importanteng lakad upang papasukin o palabasin sa boarder.


Tinatayang aabot ng 30 segundo hanggang 1 minuto ang pag-iinspeksiyon sa bawat I.D. at posible pa iyong tumagal kung hahanapan ang motorista ng supporting documents maliban sa company I.D. o Driver’s license na nagdudulot ng mahabang pila sa checkpoint.


Kaugnay nito, mahigpit ding ipinapatupad ang seguridad sa labas ng NCR Plus bubbles, kung saan ilang residente na ang pinauwi mula sa checkpoint ng Tagaytay City at Talisay, Batangas dahil hindi sila authorized person outside residence (APOR) at wala ring maipakitang dokumento para pahintulutang lumabas-masok sa mga boarder.


Kabilang sa mga napabalik sa pinanggalingan ay ang mag-asawang iginiit na papasok sila sa trabaho ngunit wala namang maipakitang I.D. o dokumento. Sinita rin ang motorista galing sa Tanawan, Batangas sapagkat may kasama itong menor-de-edad, pero pinayagan ding makatawid sa boarder pauwing Silang, Cavite dahil sa humanitarian consideration.


Sa ngayon ay patuloy ang paghihigpit sa bawat checkpoint upang mapigilan ang mabilis na hawahan ng COVID-19, partikular na sa Metro Manila na sentro ng virus.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page