top of page
Search

Paglaan ng maternity leave credits sa ama ng bagong silang na anak

BULGAR

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Feb. 11, 2025



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


May katanungan ako tungkol sa aking kapatid na babae na malapit nang manganak. Siya ay tatlong taon nang empleyado sa isang pribadong kumpanya at mayroong kontribusyon sa Social Security System (SSS). Hindi kasal ang aking kapatid na babae at ang kanyang kasintahan na siyang ama ng kanyang dinadala. Dahil dito, hindi sigurado ang kanyang kasintahan kung siya ay mapapayagan na magkaroon ng paternity leave sa oras na manganak ang aking kapatid na babae. Mayroon ba siyang benepisyo na bakasyon sa ilalim ng ating mga batas upang maasikaso ang aking kapatid na babae at ang kanilang magiging anak? Salamat. — Gabriel


 

Dear Gabriel,


Sa ating bansa, ang paternity leave ay pinamamahalaan ng Republic Act (R.A.) No. 8187, na kilala bilang “Paternity Leave Act of 1996.” Ang batas na ito ay nagbibigay ng benepisyo sa lahat ng mga lalaking empleyado na ikinasal upang sila ay makakuha ng leave at maalagaan ang kanilang asawa at bagong silang na anak.


Mahalagang tandaan na ang Paternity Leave Act sa Pilipinas ay eksklusibo lamang sa mga ikinasal na lalaking empleyado. Hindi ito ipinagkakaloob sa mga ama na hindi pa kasal.  


Gayunpaman, may mga alternatibong benepisyo o leave credits na maaaring magamit ng isang lalaking hindi kasal. Ang R.A. No. 11210 o ang “105-Day Expanded Maternity Leave Law” ay naglalaan ng mga maternity leave credits na maaaring gamitin ng ina ng bata. Ayon dito, maaaring ibigay ng ina ang ilan sa kanyang maternity leave credits sa ama ng kanyang anak, kasal man sila o hindi. Ito ay nakasaad sa Seksyon 6 ng R.A. No. 11210: 


Section 6. Allocation of Maternity Leave Credits.— Any female worker entitled to maternity leave benefits as provided for herein may, at her option, allocate up to seven (7) days of said benefits to the child’s father, whether or not the same is married to the female worker: Provided, That in the death, absence, or incapacity of the former, the benefit may be allocated to an alternate caregiver who may be a relative within the fourth degree of consanguinity or the current partner of the female worker sharing the same household, upon the election of the mother taking into account the best interests of the child: Provided, further, That written notice thereof is provided to the employers of the female worker and alternate caregiver: Provided, furthermore, That this benefit is over and above that which is provided under Republic Act No. 8187, or the “Paternity Leave Act of 1996”: Provided, finally, That in the event the beneficiary female worker dies or is permanently incapacitated, the balance of her maternity leave benefits shall accrue to the father of the child or to a qualified caregiver as provided above.”

 

Ang sinasabing “allocation of maternity leave credits” o paglaan ng maternity leave credits sa ama ng bata ay hiwalay na benepisyo sa ilalim ng Paternity Leave Act. 


Kaya naman sa sitwasyon ng kasintahan ng iyong kapatid na babae, hindi siya saklaw ng mga benepisyo sa ilalim ng Paternity Leave Act dahil hindi sila kasal ng iyong kapatid. Ngunit, siya ay maaaring mabigyan ng pitong araw na allocated maternity leave sa ilalim ng R.A. No. 11210 o “105-Day Expanded Maternity Leave Law” kahit na sila ay hindi kasal ng iyong kapatid.  Maaaring ipagkaloob ito ng iyong kapatid na babae sa kanyang kasintahan kung kanyang nanaisin.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page