top of page
Search
BULGAR

Pagkuha ng lisensya at pagkilala sa copyright ng may-akda ng kanta bago patugtugin

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Dec. 23, 2024



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Ang kapatid ko ay may-ari ng ilang mga kainan at inuman sa kanilang bayan. Madalas silang nagpapatugtog ng mga sikat na kanta para sa mga kumakain at umiinom doon. May mga banda rin na tumutugtog sa gabi at patuloy silang nagpapatugtog ng mga kanta sa buong araw. Sinabi diumano sa kanya ng isang kasapi nila sa kanilang samahan ng mga may-ari ng kainan at inuman na kailangan diumano kumuha ng lisensya at magbayad para sa pagpapatugtog ng mga kanta sa kanilang establisimyento. May desisyon na rin diumano ang Korte Suprema na kaugnay nito? Sana ay maliwanagan ninyo kami tungkol dito. Umaasa kami sa inyong payo. Salamat! — Ian 


 

Dear Ian,


Bilang sagot sa iyong katanungan, mabuting suriin natin ang desisyon ng Korte Suprema sa kaso ng COSAC, Inc. vs. Filipino Society of Composers, Authors, and Publishers, Inc., G.R. No. 222537, 28 February 2023, na isinulat ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Ramon Paul L. Hernando. 


Sa kasong ito, ang Filipino Society of Composers, Authors and Publishers, Inc. (FILSCAP) ay isang non-stock at non-profit na samahan ng mga nangangasiwa ng mga copyright o karapatan ng mga musiko (musicians) sa kanilang nilikhang kanta o tugtugin. Itinalaga ng mga musiko na kasapi ng FILSCAP ang kanilang copyright sa samahan na ito upang ito ang magpatupad ng kanilang mga karapatan sa ilalim ng batas, kabilang ang pagkolekta ng bayad sa paggamit ng kanilang mga likhang musika. 


Iginigiit ng FILSCAP na nilabag ng COSAC, na isang komersyal na establisimyento, ang copyright ng mga kasapi nitong musiko sa pagpapatugtog ng mga kanta na walang pahintulot at lisensya mula sa FILSCAP sa kabila ng ilang beses na paalala at babala laban dito. Nagsampa ang FILSCAP ng kaso laban sa COSAC dahil sa paglabag nito sa copyright ng mga may likha ng kanta. Pinanigan ng Regional Trial Court at Court of Appeals ang naging reklamo ng FILSCAP bago ito inapela ng COSAC sa Korte Suprema. 


Sa naging desisyon ng Korte Suprema, ipinaliwanag nito ang sakop ng copyright kung saan sinasabi na ang mga likhang tugtugin ay protektado ng copyright simula sa sandaling ginawa ang tugtugin, alinsunod sa Intellectual Property Code na nagsasaad na: 


“SECTION 172. Literary and Artistic Works. – 172.1. Literary and artistic works, hereinafter referred to as “works”, are original intellectual creations in the literary and artistic domain protected from the moment of their creation and shall include in particular: x x x 


(f) Musical compositions, with or without words; x x x”


Sinabi ng Korte Suprema na may paglabag ang COSAC sa copyright at nilinaw dito na kinakitaan ito ng kumpletong elemento ng paglabag sa copyright dahil mayroong (1) tunay na may-ari ng kantang pinatugtog at (2) nilabag ito ng COSAC sa pagpapatugtog nito na walang akmang pahintulot sa may-ari, na siya namang may karapatan na ipatupad ang eksklusibong karapatan na pagkakitaan ang likhang sining nito. Binanggit din sa naging desisyon na hindi saklaw ang nasabing paggamit ng kanta sa fair use doctrine o mga pinapayagang malayang paggamit nito, dahil ginamit ang mga kanta upang pagkakitaan ng establisimyento sa kanilang komersyal na operasyon. (Ibid)


Kinilala ng Korte Suprema ang FILSCAP bilang tagapangasiwa ng karapatan ng mga kasapi nito na may karapatan na maningil sa pampublikong paggamit ng kanilang mga kanta at paggawad ng lisensya sa mga establisimyentong nagbabayad para sa legal na pagpapatugtog nito. Dagdag pa rito, sinabi sa desisyon na dapat na kumuha ng lisensya ang COSAC mula sa FILSCAP at nagbayad ng karampatang halaga para sa paggamit ng nilikhang tugtugin sa lugar ng operasyon ng kanilang negosyo. (Ibid) 


Bilang panghuli, pinahalagahan ng Supreme Court ang copyright ng mga may akda ng kanta dahil sa paglaan nila ng oras, kahusayan, at pagsisikap sa pagkamalikhaing gawa para sa kanilang mga komposisyon. Ayon sa desisyon:


Although it seems trivial or outrageous to collect fees for this purpose especially when almost everything is readily accessible to the listening public, the copyright owners are still entitled to be compensated for their creative work. There is no question that they invested time, creativity, talent, and effort in the creation and development of their compositions. Thus, assigning FILSCAP to pursue their intellectual property rights on their behalf should not be taken against FILSCAP, as it is acting not merely for its own benefit, but for the copyright owners' as well. xxx” (Ibid)


Malinaw rito na kinakailangang kumuha ng lisensya at magbayad ang mga establisimyento para sa pagpapatugtog ng mga kantang may copyright sa komersyal na operasyon nito bilang pagkilala sa copyright ng mga may-akda ng kanta.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page