top of page
Search
BULGAR

Pagkilala sa mga sakripisyo ng mga karaniwang bayani ng lipunan

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | May 29, 2024



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go


Lutang na lutang talaga ang pagiging masayahin ng mga Pilipino kapag nasa abroad at kahalubilo ng ibang lahi. 


Nangingibabaw ang kumustahan at halakhakan ng mga kababayan natin tuwing may pagkakataong magsama-sama sa ibang bansa. Marahil, dahil ito sa labis na pananabik na makasama ang mga mahal sa buhay na milya-milya ang namamagitan.


Ganito na lamang kainit ang pagtanggap na nasaksihan ng inyong Senator Kuya Bong Go nang maimbitahan tayo bilang Guest of Honor at Speaker sa 2024 Jinseo Arigato International Film Festival sa Nagoya, Japan noong May 26. Sa harap ng mga kababayan natin sa Japan, tinanggap natin ang parangal na “Champion of Life, Hero of the Year” award bilang pagkilala sa ating patuloy na pagmamalasakit sa mga nangangailangan at pagsusulong na mailapit pa ang serbisyo ng pamahalaan sa taumbayan.


Lubos tayong nagpapasalamat sa pagkilala. Pero gaya nga ng nabanggit ko habang tinatanggap ang parangal, with or without an award ay patuloy lang ang aking pagseserbisyo. Tayo ay instrumento lamang ng Maykapal para makatulong sa kapwa.


Habang nasa entablado, tuwang-tuwa ang inyong Kuya Bong Go dahil nasa aking harapan noon ang mga karaniwang bayani ng ating bansa — ang mga Pilipinong nagtitiis sa ibang lugar para mabigyan ng mas magandang buhay ang kanilang pamilya.


May temang “Celebration of Filipino-Japanese cross-cultural collaboration” ang film festival na dinaluhan natin. Tampok dito ang husay ng mga Filipino artist at filmmakers. 

Pinasalamatan natin si Consul General Roy Ecraela, ang mga foreign service officer at mga empleyado ng ating konsulado sa Nagoya sa pag-aalaga sa ating mga kababayan doon. Kaisa natin sila sa panawagang gawing bukas 24/7 ang kanilang mga opisina dahil walang matatakbuhan ang ating mga kababayan kundi silang mga kinatawan ng gobyerno roon. 


Noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ginawa nating prayoridad ang kapakanan ng ating mga OFW. Ipinasa natin ang Republic Act No. 11641, na lumikha sa Department of Migrant Workers, ang departamento na nakatutok sa mga OFWs sa buong mundo. Isa tayo sa author at co-sponsor ng batas na iyan, na nagpapatunay ng ating adhikain na pakikinggan, poprotektahan at ipaglalaban ang mga karapatan at kapakanan ng bawat migranteng manggagawang Pilipino. 


Bukod sa ating mga OFW, ipinaglalaban din natin ang ating mga manggagawa sa media at entertainment industry. Isinusulong natin sa Senado bilang miyembro ng Committee on Public Information ang pagpa-file ng Senate Bill No. 1183, o ang “Media and Entertainment Workers Welfare Act” na ating isinumite kamakailan. Layunin nito na magkaloob ng karagdagang proteksyon, seguridad at insentibo sa media workers sa Pilipinas — nasa radyo man sila, print, TV o pelikula.


Masaya rin tayong ibalita na naisabatas na ang Eddie Garcia Law na isa tayo sa co-author. Layunin nito na bigyan ng sapat na proteksyon at benepisyo ang mga manggagawa sa film and television industry na malaki ang naging ambag sa sining at kultura ng ating bansa. Ito ay ipinangalan sa yumaong aktor at direktor na si Eddie Garcia, na isa sa mga artistang ating hinahangaan.


Bilang miyembro naman ng MMFF Executive Committee, ipinanukala natin ang pagdaraos ng Metro Manila Summer Film Festival upang mabigyan pa ng karagdagang exposure ang ating mga artista at filmmakers. Patuloy din nating sinusuportahan ang pagsisikap ng MMFF na mas mapalaganap ang mga pelikulang Pilipino lalo na ngayon na 50th anniversary nila. 


Bukod sa mga kaganapan sa abroad ay patuloy ang aking tanggapan sa paghahatid ng tulong sa ating mga kababayan. Mula May 22 hanggang 25, sinaksihan ng aking Malasakit Team ang mga sports festival sa iba’t ibang branches ng Mindanao State University sa Maigo at Iligan City, Lanao Del Norte kasama ang Philippine Sports Commission at ang tanggapan nina Sen. Sonny Angara at Sen. Pia Cayetano. 


Kahapon, May 28, ay sinaksihan natin, bilang chair ng Senate Committee on Sports, ang ginaganap na Asian Volleyball Confederation (AVC) Challenge Cup. Sinaksihan naman ng aking opisina ang groundbreaking ng itatayong Super Health Center sa Mahayag, Zamboanga Del Norte kasama si Mayor Manuel Saladaga. 


Tuluy-tuloy din ang aking Malasakit Team sa pag-alalay sa ating mga kababayang nangangailangan. Rumesponde tayo sa 12 naging biktima ng insidente ng sunog sa Minglanilla, Cebu. Namahagi tayo ng dagdag na tulong sa 300 TESDA graduates sa Ormoc City, Leyte. 


Nagpadala rin tayo ng tulong sa mga pamilyang naapektuhan ng baha dulot ng Bagyong Aghon sa Lucena City, Quezon. Nakiramay tayo sa namatayan doon at nagbigay ng kaunting tulong. Nakisama rin kami sa kanilang Pasayahan Festival sa araw na iyon sa aming pagnanais na mag-iwan ng ngiti sa oras ng kanilang pagdadalamhati. 


Nagkaloob naman tayo ng suporta sa 100 mahihirap na residente ng Sindangan, Zamboanga del Norte na nabigyan din ng livelihood assistance mula sa gobyerno.


Habang 1,300 residente ng Sta. Cruz, Laguna ang natulungan katuwang si Vice Gov. Karen Agapay; at 70 senior citizens naman mula sa Binangonan, Rizal katuwang si Congresswoman Mila Magsaysay ang nabigyan din natin ng tulong.


Namahagi tayo ng tulong sa 56 nating kababayan sa General Trias City, Cavite, katuwang si Board Member Morit Sison. Nabigyan din sila ng pansamantalang trabaho ng DOLE.


Saan mang sulok ng bansa, lagi tayong handang maglingkod sa ating kapwa bilang inyong Mr. Malasakit na walang ibang bisyo kundi magserbisyo sa inyo sa abot ng aking makakaya. Minsan lang tayong dadaan sa mundong ito, kaya kung anong kabutihan at tulong na puwede nating gawin sa ating kapwa, gawin na natin ngayon dahil hindi na tayo babalik sa mundong ito. Ako’y  naniniwala na ang serbisyo sa tao, serbisyo iyan sa ating Panginoon.


 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page