ni Nancy Binay @Be Nice Tayo | September 1, 2024
Nitong nakaraang linggo ay pinagtibay ng Senado ang isang resolusyon na nagbibigay-pugay kay dating House Speaker Jose de Venecia, Jr.
Pormal na inihain ng inyong lingkod ang PS No. 1142 upang kilalanin ang kanyang mahalagang ambag sa ating pamahalaan at pandaigdigang diplomasya.
Kinikilala rin nito ang limang termino ni De Venecia bilang Speaker ng House of Representatives at sa kanyang papel sa kasaysayan ng pulitika sa Pilipinas.
☻☻☻
Marahil marami sa mga kabataan ngayon ang hindi na maalala ang naging ambag ni Speaker De Venecia, na kilala rin bilang JDV.
Napakahalaga ng kanyang “Rainbow Coalition” sa House of Representatives na nagbigay ng katatagan sa bansa matapos ang Batas Militar.
Ang koalisyon na ito ay nagpadali sa pagpasa ng higit sa 200 mahahalagang batas sa ilalim ng administrasyon ng dating Pangulong Fidel V. Ramos.
Ilan sa mga batas na kanyang isinulong ay ang B-O-T (Build-Operate-Transfer) Law, ang Military Bases Conversion Law, at ang batas na lumikha sa Central Bank of the Philippines.
☻☻☻
Bukod sa kanyang mga kontribusyon bilang mambabatas, lubhang mahalaga rin ang kanyang papel pagdating sa diplomasya.
Naging tagapamagitan siya sa usapang pangkapayapaan sa mga grupo gaya ng Muslim separatists at mga rebeldeng komunista.
Siya rin ang nagsulong ng mga inisyatiba tulad ng Interfaith Dialogue sa United Nations na naglalayong lutasin ang mga tunggalian sa pulitika at relihiyon.
Maraming salamat JDV sa iyong dedikasyon at serbisyong bayan. Nawa’y patuloy kang magbigay inspirasyon sa mga susunod na henerasyon ng mga mamumuno sa Pilipinas.
☻☻☻
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice!
FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay
Comments