ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | March 5, 2021
Sina G. Marlon at Gng. Glerolyn Chavez ay kabilang sa mga magulang na naniniwalang dahil sa kawalan ng eksaminasyon sa pagtuturok ng Dengvaxia, kawalan din ng doktor sa naganap na pagbabakuna at dahil din itinuturing nilang kapabayaan dito ay nasawi ang mahal nilang mga anak. Partikular sa kanilang anak na si Marl Aaron P. Chavez, ani Mang Marlon at Aling Glerolyn:
“Kung hindi nabakunahan si Marl Aaron ay nabubuhay pa sana siya ngayon dahil wala naman kaming nalalaman na karamdaman niya na maaaring maging sanhi ng agaran niyang pagkamatay. Hindi pa rin siya nagkakaroon ng dengue bago siya maturukan ng Dengvaxia at walang kakaiba o bagong gamot o kemikal na pumasok sa katawan niya kundi ang Dengvaxia. Siya rin ay kailanman hindi pa nagkaroon ng malubhang karamdaman at hindi pa na-ospital, bukod lamang nitong kamakailan kung saan siya ay malubhang nagkasakit na naging sanhi ng kanyang biglaang pagpanaw.
“Nais din naming banggitin na si Marl Aaron ay naturukan ng Dengvaxia nang walang isinasagawang eksaminasyon at hindi rin doktor ang nagsagawa ng pagbabakuna sa aming anak. Naging pabaya ang mga taong gumawa ng pagbabakuna ng Dengvaxia na ito.”
Si Marl Aaron ay 11-anyos nang namatay noong Abril 13, 2018 sa isang ospital sa Quezon City. Siya ang ika-54 sa mga naturukan ng Dengvaxia at nakaranas bago siya namatay ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Marl Aaron ay naturukan ng Dengvaxia noong Hunyo 14, 2016 sa kanilang eskuwelahan. Nasundan ito ng pangalawang turok noong Enero 9, 2017 at ang huling turok noong Agosto 29, 2017. Makalipas ang halos apat na buwan ay nagsimula nang sumakit ang kanyang dibdib. Narito ang ilan pa sa mga naramdaman ni Marl Aaron:
Enero 8, 2018 - Dinala siya sa isang ospital sa Cavite. Niresetahan siya ng antibiotics at gamot sa ubo, subalit pagkalipas ng isang linggo ay wala pa ring pagbabago sa kanyang kondisyon, kaya muli siyang ibinalik sa nasabing ospital. Ipinagpatuloy lang ang inireseta nilang gamot at ginawan siya ng X-ray at PPD test.
Enero 20, 2018 - Isinugod siya sa emergency room ng isang pagamutan sa Cavite at hindi na siya makahinga. Dinala siya sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) at kinuhanan ng dugo para sa dengue test. Negative naman ang resulta ng kanyang test, pero walang pagbabago sa kondisyon ng kanyang kalusugan.
Enero 29, 2018 - Na-confine siya sa isang ospital at matapos ang ilang pagsusuri ay sinabi ng doktor na siya diumano ay may “mediastinal germ cell tumor”. Halos dalawang araw siya sa Intensive Care Unit (ICU) upang bigyang lunas ang kanyang paghinga. Dinala rin siya sa isolation room dahil madalas na ang daing niya na hirap ang kanyang paghinga, masakit ang kanyang tiyan at namamaga ang kanyang mukha.
Pebrero 7, 2018 - Isinagawa ang biopsy sa kay Marl Aaron, ganundin ang radiation therapy upang makatulong diumano sa pagpapaliit ng kanyang tumor at para rin makahinga siya nang maayos. Nilagyan siya ng tubo sa baga para sipsipin ang tubig mula rito. Makatutulong din diumano ito sa kanyang paghinga. Sinabihan din ang pamilya ni Marl Aaron na kailangan niya diumano ng chemotherapy.
Pagdating ng huling linggo ng Marso 2018 hanggang pangalawang linggo ng Abril 2018, lalo pang naging seryoso ang lagay ni Marl Aaron, at ito ay humantong sa kanyang kamatayan. Narito ang mga kaugnay na detalye tungkol dito:
Marso 28, 2018 - Paulit-ulit ang ginagawang blood test at pagsasalin ng dugo kay Marl Aaron sa isang ospital sa Quezon City. Matapos ang tatlong araw na chemotherapy, hindi na bumaba ang lagnat niya. Hindi na rin siya makakain nang maayos. Madalas ang kanyang pagsusuka, pagtatae at pag-ubo. Patuloy ang pagbigay ng antibiotics sa kanya pero wala pa ring epekto. Hindi na siya nawalan ng lagnat na umaabot ng 40 degrees pataas.
Abril 12, 2018 - Dumugo ang kanyang ilong at pati ang kanyang mga mata ay may bahid na ng dugo. Ginawan siya ng blood culture test at ang resulta diumano ay may infection siya sa dugo.
Abril 13, 2018 - Inilipat ng treatment room si Marl Aaron at sinalinan ng dugo kahit nilalagnat at hindi nagtagal ay sumuka siya ng dugo. Dumadaing siya na may bara diumano ang lalamunan niya at hindi siya makahinga. Kinausap si Aling Glerolyn ng doktor, kulang diumano ang hangin sa dugo ni Marl Aaron at maaaring maging dahilan upang bumigay ang puso niya anumang oras. At kung mangyari ‘yun ay kailangan ni Aling Glerolyn na lumagda sa isang kasulatan na pumapayag siyang lagyan ng tubo si Marl Aaron upang makahinga ito. Nangyari nga ang sinabi ng doktor kaya pumayag si Aling Glerolyn na lagyan siya ng tubo upang mabuhay lamang. Sinubukan nilang lagyan ng tubo si Marl Aaron, subalit hindi na kinaya nito. Alas-3:20 ng hapon nang araw na ‘yun ay idineklarang wala nang buhay si Marl Aaron.
Ang naging kamatayan ni Marl Aaron ay isang kuwento ng trahedya na nagdulot ng torture sa kanyang murang katawan hanggang sa bawian siya ng buhay. Patuloy na pahirap naman ang mga alaala nito sa kalooban ng kanyang mga magulang. Ang lahat ng ito ang nagdala sa kanila sa PAO upang mabigyang katarungan ang pagkamatay ni Marl Aaron. Kasama na ngayon sa ipinaglalaban ng PAO, ng inyong lingkod, ng special panel of public attorneys, at ng mga doktor at staff ng PAO Forensic Laboratory Division ang kaso ni Marl Aaron.
Comments