by Info @Editorial | August 28, 2024
Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na may dalawang bagong kaso ng mpox sa bansa na kapwa taga-Metro Manila.
Samantala, nasampulan naman ang isang club sa Quezon City matapos umano itong tumanggi na makipagtulungan sa mga contract tracer.
Kaugnay nito, target ilunsad ng DOH ang isang online consultation system para sa mga pasyenteng dinapuan ng mpox sa buong bansa.
Sa ilalim ng national action plan laban sa mpox, target ng DOH na humingi ng tulong mula sa Philippine Dermatological Society sa pag-set-up ng website kung saan maaaring kumonsulta ang suspect case o ang mga nakararanas ng mga sintomas ng sakit.
Tinitingnan din ng ahensya na hingin ang tulong ng mga eksperto mula sa PH Dermatological Society, PH Society for Microbiology and Infectious Diseases at Pediatric Infectious Diseases Society of the Philippines para gawing mas accessible ang screening, testing at referral ng mpox patients.
Patuloy naman ang paalala at babala laban sa pag-uulat ng mga hindi kumpirmadong kaso ng mpox. Marami umanong uri ng sakit sa balat na napagkakamalang mpox gaya ng chickenpox, shingles o buni. Hinihimok din ang mga lokal na pamahalaan na bago mag-isyu ng advisories kaugnay sa mpox cases, dapat na ito ay suportado ng sapat na scientific evidence para maiwasan na magdulot ito ng pangamba at kalituhan sa publiko.
Para naman sa lahat, huwag basta maniwala sa mga naririnig o nasasagap lalo na online. Tiyakin na legit ang source para ‘di mabiktima ng fake news lalo na ang magamit sa pagpapakalat nito.
Comments