ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | June 16, 2023
May magandang ugnayan ang Public Attorney’s Office (PAO) at local government units (LGUs) sa ating bayan. Ang diwa ng bayanihan sa pagitan ng PAO at LGU ay buhay na buhay lalo na sa mga regional at district office ng aming tanggapan.
Ito ang masasabing bahagi na ng kaugalian ng mga Pilipino at lalo pang pinaiigting ng matibay na suporta ng batas, partikular na ang Republic Act No. 9406 (RA 9406) o ang PAO Law. Malinaw na nakasaad sa probisyong ito ng RA 9406, ang mga sumusunod:
“SEC. 6. New sections are hereby inserted in Chapter 5, Title III, Book IV of Executive Order No. 292 to read as follows:
“SEC. 16-E. Local Government Support. – Local government units, subject to their capabilities, are authorized to extend financial and other support in the form of honoraria, free office space, equipment, furniture, stationery, and manpower to the PAO.”
Lubos ang pasasalamat ng mga empleyado ng PAO, public attorneys at staff, sa suportang ng LGUs. Malaki ang naitutulong nito upang higit pang magampanan ng mga empleyado ng PAO ang kanilang mga tungkulin lalo na sa mga residente ng mga barangay na pinagsisilbihan nila.
Ito ay nagtataguyod ng kabayanihan sa pamayanan. Ngunit sa kasamaang palad, may pagkakataon na ang kabayanihang ito ay nauuwi sa pagbubuwis ng buhay. Ang isa sa mga konkretong ugat nito ay ang pagkukulang ng ating local government officials na humahantong sa kaso.
Ganito ang nangyari sa isa nating magiting na si Atty. Eugenia Vinluan - Campol ng PAO-Bangued, Abra District Office na bahagi ng PAO-Cordillera Region.
Si Atty. Campol, isa sa mga public attorney na palaban, ay pumanaw noong Setyembre 6, 2005, 23 days bago sumapit ang kanyang ika-36 na kaarawan. Siya ay masigasig sa paglilingkod sa mga api. Naging instructor siya sa Saint Louis University, kung saan siya ay nagtapos ng kanyang pre-law course na Political Science, Cum Laude, at Bachelor of Laws degree.
Bilang public attorney, kailanman ay hindi siya naireklamo ng sinumang kliyente. Subalit sa hindi inaasahan, sa pagganap niya sa kanyang tungkulin ay nakahawak siya ng kaso laban sa isang local official. Matinding conflict of interest ito sa PAO dahil nagbibigay ng papel, gamit, allowance, at suporta, ang ating local officials. Gayunman, buong tapang pa rin na tinanggap ni Atty. Campol ang hamon ng tungkulin hanggang sa siya’y bawian ng buhay.
Sa pangyayaring ito, malinaw na makikita na hindi dapat humawak ng isang kaso na may conflict of interest ang sinumang abogado – maging pribado man o hindi. Kaya patuloy na nagmamakaawa at nakikiusap ang buong PAO lawyers at staff sa ating mahal na Supreme Court na sana ay huwag nang ipairal ang Section 22, Canon III ng Code of Professional Responsibility and Accountability (CPRA) kung saan ang PAO lamang ang puwedeng humawak ng may conflict of interest na mga kaso, ngunit ang private lawyers ay hindi puwede.
Nagpapasalamat kami kay Senator Manuel “Lito” Lapid sa kanyang free legal assistance landmark bill na naging ganap na batas noong 2010 – ang Republic Act No. 9999 (RA 9999) o ang Free Legal Assistance Act of 2010 o Lapid Law. Bagama’t umabot ng 12 years, noong Setyembre 13, 2022 na-release ang inaprubahan ni Department of Finance (DOF) Secretary Benjamin Diokno ang revenue regulations ng Bureau of Internal Revenue (BIR) para sa maayos na implementasyon ng tax component ng RA 9999. Dahil dito ay nagpapasalamat din kami kay Secretary Diokno at ganundin kay Commissioner/Atty. Lilia Catris Guillermo na nagbigay ng recommending approval sa nasabing revenue regulations ng BIR. Ito ay kapuri-puri dahil sa magandang kinalabasan at accomplishment ng DOF at BIR para sa mahihirap na hindi puwedeng hawakan ng PAO.
Ang September 13 ay isang okasyon na kaarawan ng mahal na Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., Isang mahalagang regalo para sa maralitang Pilipino at PAO.
Gayunman, upang matupad ang bawat titik ng batas nitong Lapid Law, nangangailangan ng implementing rules and regulations (IRR) mula sa ating mahal na Supreme Court ang RA 9999.
Hanggang ngayon ay pinakahihintay natin ito. Nakasaad sa probisyong ito ng nasabing batas na:
“Section 8. Implementing Rules and Regulations (IRR). - Within ninety (90) days from the date effectivity of this Act, the BIR shall formulate the necessary revenue regulations for the proper implementation of the tax component as envisioned in this Act.
The Supreme Court shall formulate the necessary implementing rules and regulations with respect to the legal services covered under this Act and the process of accreditation of organizations and/or associations which will provide free legal assistance.”
Kapag may IRR na, umaasa kami sa PAO na maraming private lawyers ang magkakaroon ng inspirasyon na humawak ng pro bono cases – kaso ng maralita nating kababayan na hindi puwede sa PAO dahil may conflict of interest – hindi lamang dahil sa mabuti itong gawa kundi dahil magkakaroon sila ng 10% deduction sa kanilang gross income. Ito ay base sa Seksyon 5 ng RA 9999, kung saan nakasaad na:
“Section 5. Incentives to Lawyers. - For purposes of this Act, a lawyer or professional partnerships rendering actual free legal services, as defined by the Supreme Court, shall be entitled to an allowable deduction from the gross income, the amount that could have been collected for the actual free legal services rendered or up to ten percent (10%) of the gross income derived from the actual performance of the legal profession, whichever is lower: Provided, That the actual free legal services herein contemplated shall be exclusive of the minimum sixty (60)-hour mandatory legal aid services rendered to indigent litigants as required under the Rule on Mandatory Legal Aid Services for Practicing Lawyers, under BAR Matter No. 2012, issued by the Supreme Court.”
Patuloy kaming umaasa sa PAO na diringgin ng ating mahal na Supreme Court ang ating pakiusap at pagsusumamo na huwag na ipatupad ang Section 22, Canon III ng CPRA.
Patuloy namin itong ipinagdarasal dahil kapag nagpatuloy na ang PAO ay hahawak ng mga kasong may conflict of interest sang-ayon sa nabanggit na probisyon ng CPRA, malalagay sa panganib ang buhay ng public attorneys, kabilang na ang pumanaw na mahal nating public attorney na si Atty. Campol.
Mula noon naging mahigpit ang pamunuan ng PAO – Chief Public Attorney, Deputy Chief Public Attorneys, Regional Public Attorneys, Service Heads at District Heads – at pinagbabawalan ang mga abogado ng PAO na humawak ng may conflict of interest. Ito ay pinagtibay ng 2021 Revised Public Attorney’s Office (PAO) Operations Manual, at ito naman ay ayon sa kapangyarihan ng Chief Public Attorney na nakasaad sa probisyong ito ng RA 9406:
“SEC. 5. Section 16, Chapter 5, Title III, Book IV of Executive Order No. 292, as amended, is hereby further amended to read as follows:
‘SEC. 16. The Chief Public Attorney and Other PAO Officials. – The PAO shall be headed by a Chief Public Attorney and shall be assisted by two (2) Deputy Chief Public Attorneys. Each PAO Regional Office established in each of the administrative regions of the country shall be headed by a Regional Public Attorney who shall be assisted by an Assistant Regional Public Attorney. The authority and responsibility for the exercise of the mandate of the PAO and for the discharge of its powers and functions shall be vested in the Chief Public Attorney.’”
Sa pagganap ng ating mga tungkulin bilang lingkod bayan at manananggol, may mga niyayakap tayong mga responsibilidad at kredibilidad sa kabila ng panganib na maaaring maidulot nito sa ating buhay.
Ito ay bahagi na ng ating sinumpaang tungkulin bilang mga lingkod bayan bunsod na rin sa kadahilanang hindi tayo dapat mamili ng mga taong ating tutulungan. Ngunit hindi isang kalabisan ang paghingi ng tulong sa pamamagitan ng legal na pamamaraan na ang panganib na ito ay maiwasan. Dapat din nating ikonsidera ang kaligtasan ng ating mga manananggol, sapagkat sila rin ay may mga pamilyang nangangailangan ng kanilang kalinga. Alam kong sumasang-ayon dito si Atty. Campol, isang bayaning public attorney.
Comentarios