top of page
Search
BULGAR

Pagkakaroon ng STD bilang basehan ng annulment

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Oct. 2, 2024



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Kamakailan ay napag-alaman ko na nahawa ako ng isang Sexually Transmitted Disease (STD) mula sa aking asawa. Sampung taon na kaming kasal, ngunit kamakailan lamang ay nagsimula siyang mambabae, kung saan niya nakuha ang nasabing sakit at naipasa sa akin.  Maaari ba akong maghain ng annulment para mapawalang-bisa ang aming kasal?

— Antonette



 

Dear Antonette,


Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Artikulo 45 (3) at Artikulo 46 ng Family Code of the Philippines. Ayon sa mga nasabing probisyon:


Art. 45. A marriage may be annulled for any of the following causes, existing at the time of the marriage: xxx


(3) That the consent of either party was obtained by fraud, unless such party afterwards, with full knowledge of the facts constituting the fraud, freely cohabited with the other as husband and wife;


Art. 46. Any of the following circumstances shall constitute fraud referred to in Number 3 of the preceding Article: xxx


(3) Concealment of sexually transmissible disease, regardless of its nature, existing at the time of the marriage;”


Sang-ayon sa nasabing probisyon, ang pagtatago ng pagkakaroon ng STD ay kinokonsiderang panloloko o fraud na siyang nagpapawalang-bisa ng kusang-loob na pagpayag sa kasal. Ngunit, sang-ayon sa Artikulo 47 (3) ng parehong batas, kinakailangan na maihain ang petisyon para sa annulment sa loob ng limang taon mula sa pagkakadiskubre ng panlolokong nakasaad sa Artikulo 46. Ayon sa nasabing probisyon ng batas:


Art. 47. The action for annulment of marriage must be filed by the following persons and within the periods indicated herein: xxx


(3) For causes mentioned in number 3 of Article 45, by the injured party, within five years after the discovery of the fraud;


Malinaw na ang pagtatago ng pagkakaroon ng STD upang ituring bilang isang dahilan para sa annulment ay dapat na nangyari sa punto ng kasal. Sa iyong kaso, ang STD ay nangyari makalipas na ang inyong kasal at matapos ang 10 taon ng pagsasama bilang mag-asawa. Ibig sabihin, hindi na ito maaaring ituring na pagtatago ng STD sa punto ng kasal na katumbas ng panlolokong maaaring magamit upang ipawalang-bisa ang iyong kasal. Ang nasabing probisyon ay nilagay sa batas upang pangalagaan ang kalayaan ng isang partido na pumasok sa kontrata ng kasal.  


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan.  Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

Recent Posts

See All

Opmerkingen


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page