ni Ryan Sison - @Boses | April 28, 2021
Malaking tulong.
Ito ang dalawang salita na madalas nating naririnig sa ilang mga nakatatanggap ng ayuda mula sa mga nagsulputang community pantry sa iba’t ibang panig ng bansa.
Kahit noodles, itlog, kaunting bigas at delata lamang ay marami sa ating kababayan ang labis na nagpapasalamat dahil kahit paano ay maiibsan ang kanilang kumakalam na sikmura.
Dahil maraming natutulungan, nagsilbi itong inspirasyon sa iba pa nating kababayan na magtayo na rin ng kani-kanilang community pantry upang makapagbigay ng ayuda sa kanilang mga ka-lugar. At hindi lang mamamayan ang game na game tumulong dahil kamakailan, nagtayo rin ng community pantry ang isang aktres.
Bagama’t nakatutuwa na nagsilbi itong inspirasyon para sa iba upang tumulong, nakalulungkot dahil sa kabila ng layuning ito ay may mga pangyayari talagang hindi inaasahan.
Isa na nga rito ang pagkamatay ng isang senior citizen na pumila sa itinayong community pantry ng isang aktres.
Totoo na may mga pagkukulang at pagkakamali, pero hindi na tayo dapat magsisihan. Sa halip, gumawa tayo ng paraan upang hindi na ito maulit dahil sa totoo lang, wa’ ‘wenta naman kung matuturuan pa.
Sa kabilang banda, hangad nating magsilbi itong aral at paalala sa lahat na kahit maganda ang ating intensiyon, dapat pa ring matiyak na talagang makatutulong tayo at hindi magiging sanhi ng panibagong problema.
Gayunman, panawagan natin sa mga kinauukulan, hindi dapat makampante ang gobyerno dahil kumikilos ang taumbayan. Kumbaga, kahit maraming natutulungan, kung tutuusin ay “band-aid solution” lamang ang proyektong ito, kaya dapat pa ring magkaroon ng malinaw at pangmatagalang solusyon ang gobyerno.
Lalo pa’t nakikita nating hindi lahat ng community pantry ay nakasusunod sa health protocols, na puwedeng pagmulan ng panibagong hawaan.
At kapag may biglang tumaas ang COVID-19 cases, sino ang may kasalanan, ang gutom na taumbayan o ang mga nais makatulong?
Napakaraming tanong at dapat gawin, pero hangad nating may matutunan ang bawat isa, gayundin magkaroon ng ideya kung paano mas makatutulong sa taumbayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Commenti