top of page
Search
BULGAR

Pagkakaloob ng tamang nutrisyon sa bawat Pilipino

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | February 14, 2024


Sa ginanap na 2023 National Nutrition Awarding Ceremony noong February 12 sa Manila Hotel, isa tayo sa naging guest speaker bilang tayo ang Chair ng Senate Committee on Health. Ang okasyon ay inorganisa ng National Nutrition Council (NNC) at dinaluhan din ng kapwa ko mambabatas na si Senator Francis Tolentino, DOH Secretary Teodoro Herbosa, DILG Secretary Benjamin Abalos Jr., at NNC Head Assistant Secretary Azucena Dayanghirang, at ilan pang mga opisyal. Pinarangalan dito ang local government units at barangay nutrition scholars sa kanilang mahusay na pagsusulong ng nutrisyon sa kanilang mga komunidad.   


Sa aking talumpati ay binigyang-diin natin na ang nutrisyon ang pundasyon kung saan hinuhubog ang kinabukasan ng ating bansa. Ang malulusog na mamamayan ay mas produktibo, nakapag-aambag sa ekonomiya at nabubuhay nang matiwasay ang pamilya. Dahil dito, ang ating mga pagsisikap para mas mapalakas pa ang ating mga pamantayan at patakarang sinusunod pagdating sa nutrisyon ay hindi lang isang investment para sa kalusugan ng mga Pilipino, kundi para na rin sa pag-unlad at katatagan ng ating bansa.  


Pinasalamatan natin ang nutritionists at barangay nutrition scholars sa kanilang napakahalagang papel para mapaunlad ang estado ng nutrisyon sa mga komunidad.


Ipinaalala ko rin na kailangan natin ng patuloy na pagtutulungan dahil nananatiling isang malaking hamon ang paglaban sa malnutrisyon sa ating bansa. 


Isinumite natin sa Senado ang Senate Bill No. 2399, na naglalayong ideklara ang April 7 bilang Barangay Health and Nutrition Workers (BHNW) Day, para kilalanin ang kontribusyon ng BHNWs sa paghahatid ng primary healthcare sa komunidad. Bilang Vice Chair ng Senate Finance Committee, ipinaglaban din ng Senado ang dagdag na mahigit sa P180 milyon para sa budget ng NNC upang mapalakas nito ang kapasidad na matugunan ang pangangailangan sa nutrisyon, lalo na para sa mahihirap na Pilipino. 


Noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, isinulong din ang School-Based Feeding Program, na nagkakaloob ng masusustansyang pagkain sa malnourished na estudyante sa pampublikong paaralan. Naisabatas din noon ang Republic Act No. 11148, o ang Kalusugan at Nutrisyon ng Mag-Nanay Act, na nangangalaga sa kalusugan ng ina at ng kanyang sanggol.


Kasabay ng ginanap na okasyon ang ikaanim na taong anibersaryo ng Malasakit Center program, na naisabatas sa pamamagitan ng RA 11463 na tayo ang may-akda at principal sponsor. Malaking tulong din ang Malasakit Centers dahil bukod sa medical assistance, dito rin puwedeng gabayan ng mga nutritionist ang mga pasyente sa kaalaman pagdating sa tamang nutrisyon upang maiwasan ang sakit. 


Isa rin sa ating adbokasiya ang pagpapatayo ng Super Health Centers sa buong bansa.


Sa pakikipagtulungan ng DOH, LGUs, at kapwa ko mambabatas, napondohan ang higit 700 na Super Health Centers na itatayo sa buong Pilipinas. Imbes na bumiyahe pa sa mga ospital, diyan na sa Super Health Centers sa komunidad mismo makakakuha ng primary care sa ilalim ng Universal Health Care, ang Konsulta package ng PhilHealth, at early disease detection para maagapan ang sakit. Puwede ang panganganak dito kaya mas magagabayan ng community nutritionists ang mga nanay sa pag-aalaga ng kanilang nutrisyon at mas mababantayan ang timbang at kalusugan ng mga sanggol at mga bata. 


Tayo rin ang principal sponsor at isa sa may akda ng Republic Act 11959 o ang Regional Specialty Centers Act na naglalayong ilapit ang specialized medical care sa ating mga kababayan sa pamamagitan ng pagtatayo ng specialty centers sa mga existing DOH regional hospitals. Kasama rito ang neonatal care upang masigurong malusog ang mga bagong ipinanganak dahil napakaimportante ng nutrisyon sa early stages ng kanilang buhay. 


Ang importante sa akin ay may laman ang tiyan ng ating mga kababayan. Sikapin natin na makatulong na walang magutom sa kanila. Bilang ehemplo, sinikap nating maghatid ng libreng pagkain sa pamamagitan ng palugaw para sa mga pasyente, hospital workers, at frontliners sa mga pampublikong ospital na may Malasakit Centers para palaganapin ang kahalagahan ng tamang nutrisyon sa bawat Pilipino. Naniniwala tayo na ang malusog na katawan ay isa sa mga pundasyon ng pag-unlad ng bawat pamilyang Pilipino.


Bukod sa nutrisyon, patuloy rin tayo sa pagresponde sa iba pang pangangailangan ng ating mga kababayan. Iba’t ibang sektor ang ating nakasama sa nakaraang mga araw upang maghatid ng serbisyo at makatulong sa abot ng ating makakaya. 


Panauhing pandangal at tagapagsalita tayo sa ika-70 anibersaryo ng Aguman Ding Capampangan Davao Inc. na ginanap sa Matina, Davao City noong Sabado. 


Nasa Rizal naman tayo noong February 11 at nag-inspeksyon sa itinatayong Taytay Sports Complex na ating sinuportahan at isinulong noon. Nag-inspeksyon din tayo sa itinayong Super Health Center sa Brgy. San Juan. Nakisaya naman tayo sa ginanap na HAMAKA Festival tampok ang classic Adobong Matanda ng Taytay kasama sina Governor Nina Ynares, Vice Governor Junrey San Juan, Mayor Allan De Leon at Vice Mayor Pia Cabral. 


Wala ring tigil ang aking Malasakit Team sa paghahatid ng tulong sa mga kababayan nating nahaharap sa iba’t ibang krisis at natulungan ang mga naging biktima ng sunog kabilang ang 34 residente ng Bacoor City, Cavite; 750 sa Puerto Princesa City, Palawan katuwang si Councilor Elgin Damasco; at 90 pa sa Kawit, Cavite.


Natulungan din namin ang mga naapektuhan ng Bagyong Egay sa Negros Occidental gaya ng anim na residente ng Hinoba-an; 11 sa Ilog; at 11 pa sa Candoni. Nakatanggap din ang mga benepisyaryo ng tulong mula sa NHA sa ilalim ng programang isinulong natin noon para may pambili sila ng pako, yero, semento at iba pang materyales sa pagpapaayos ng kanilang tirahan. 


Nakiramay naman tayo sa mga pamilyang naiwan ng mga biktima ng landslide sa Brgy. Masara sa Maco, Davao de Oro. Nagpadala tayo ng bulaklak, grocery packs at pinansyal na tulong sa mga pamilya ng biktima.


Natulungan din ang 530 nawalan ng hanapbuhay sa Baroy, Lanao del Norte katuwang si Mayor Grelina Lim. Ang mga benepisyaryo ay nabigyan din ng DOLE ng pansamantalang trabaho. Nagbigay tayo ng dagdag na tulong sa 300 TESDA scholars sa Cordova, Cebu. 


Ingatan natin palagi ang ating kalusugan. Tandaan natin na ang kalusugan ay katumbas ng buhay ng bawat Pilipino. Sa abot ng aking makakaya ay patuloy kong susuportahan ang mga programang pangkalusugan lalo na sa pangangalaga ng ating nutrisyon para mapanatiling maayos at malusog ang pangangatawan ng ating mga kababayan tungo sa mas produktibo at matiwasay na sambayanan. 

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page